DOH nagmatigas: COVID-19 'mass testing' hindi gagawin kahit cases record-high uli

Kita sa March 25, 2021 photo na ito ang isang pulis habang nagbabantay sa isang checkpoint matapos ianunsyo ang pinakamahigpit na enhanced community quarantine (ECQ) sa "NCR Plus bubble," bagay na magsisimula ngayong araw
AFP/Ted Aljibe

MANILA, Philippines — Wala pang plano ang pamahalaan para simulan ang kampanya ng "mass testing" laban sa coronavirus disease (COVID-19) kahit na bumubulwak uli ang bilang ng tinatamaan na nakamamatay na sakit.

Ito ang sabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, Lunes, kahit paulit-ulit na-break ang pinamataas na single-day COVID-19 cases sa kasaysayan ng Pilipinas nitong mga nakaraang araw.

Basahin: Active COVID-19 cases hit 109,018 after Philippines logs 9,838 new infections

Kaugnay na balita: Philippines goes full circle as ECQ back in Metro Manila, 4 other areas

"Wala po tayong plano na mag-mass testing ano. The government, since the start of this pandemic, has never advocated for mass testing kasi minsan nali-link talaga 'yan sa indiscriminate testing," ani Vergeire kanina sa isang media forum.

"Kahit saan mo tignan sa buong mundo, wala naman pong mga bansa na nagkaroon ng kakayanan para i-test niya ang buong populasyon."

Wika pa ng DOH official, mahirap ang "one time, big time" na COVID-19 testing dahil maaaring masuri ngayon ang isang tao para sa COVID-19 ngunit ma-expose naman sa susunod na araw sa virus.

  • Eh ano ang ginagawa ngayon?: Hindi mass testing kundi "risk-based" testing ang isinasagawa ngayon ng pamahalaan para maamoy kung may COVID-19 ang isang tao, ani Vergeire. Aniya, nagbabahay-bahay sa ngayon ang local government units (LGUs) para tukuyin kung sinu-sino ang mga may sintomas, na-expose sa sakit o nakatira sa isang bahay na may "cluster" ng sakit para agad na ma-test. Kaso, hindi lahat ng may COVID-19 ay may sintomas.
  • Pagdami ng testing: Nasa mahigit 50% daw ang itinaas ng COVID-19 testing sa ilang LGUs sa ngayon dahil na rin sa pagbabahay-bahay. "That is what we would want to do and to employ so that we can help prevent these increase in the number of cases natin," dagdag ni Vergeire.

Halos 95% ng COVID-19 cases ngayon sa bansa ang sinasabing mild cases habang 2-3% ang asymptomatic o hindi nagpapakita ng anumang sintomas ng COVID-19. Gayunpaman, kinikilalang "carrier" pa rin ng sakit ang nahuli.

Libreng mass testing iba sa 'i-test ang buong bansa'

Pinalagan naman ng Coalition for People's Right to Health (CPRH) ang naturang pahayag ni Vergeire, lalo na't kailangan na kailangan daw ngayon ng mass testing sa gitna ng pananalasa ng mas nakahahawang COVID-19 variants.

"Kapag sinabing mass testing, ay hindi ang pagtest ng buong populasyon, kundi malawakang ACCESS sa testing ng mga nangangailangan nito," ani Josh San Pedro, isa ring doktor at co-convenor ng CPRH, sa panayam ng PSN.

"Kitang-kita sa halos 20% na positivity rate na kulang ang kasalukuyang lagay ng testing, sapagkat 5% lamang ang limit na binanggit ng [World Health Organization]. Marahil ang mataas na bilang ng kaso ay hindi pa rin ang tunay na istatistiko ng pagkalat ng COVID-19 sa ating populasyon."

Basahin: Filipinos defined ‘mass testing’ anew after Duque’s erroneous remarks on COVID-19 detection capacity

Umaabot ng hanggang P3,800 ang presyo ng COVID-19 swab tests sa government facilities habang hanggang P5,000 ito sa mga pribadong testing centers. Marami ang hindi naaabot ng libreng testing ngayon sa Pilipinas.

  • Bilang ng na-test sa bansa: Sa datos ng gobyerno, tanging 9.45 milyon katao pa lang ang nate-test para sa COVID-19. Sa mga na-test, umabot na sa 10.04 milyon samples ang nasuri lalo na't may ilang tao na higit sa isang beses napag-aaralan ng mga espesyalista.

Aniya, dapat agad magkaroon ng testing para sa lahat ng mga may sintomas at lahat ng close contacts matapos ang lima hanggang pitong araw upang ma-quarantine lahat.

"Ito at hindi ECQ lamang ang magpapababa ng kaso sa NCR+. Kailangan nating mabigyan ng incentive ang mamamayan upang mas makasunod sa mga protocol natin, at masasagawa ito sa libreng 'mass' testing, masugid na contact tracing, at quarantine nang may ayuda," ani San Pedro.

DOH vs DOH pagdating sa mass testing

Dagdag pa ni San Pedro, tila kinokontra ni Vergeire ang kanyang sarili lalo na't una na niyang sinabi na hindi porke mass testing ay ite-test na ang buong Pilipinas.

Abril 2020 nang sabihin ni Vergeire sa isang press briefing ang sumusunod: 

"Unang-una po klaruhin po natin yung mass testing. Ang mass testing po na sinasabi natin ay hindi lahat ng tao sa ating bansa. Ito po ay magkakaroon din ng protocol kung saan, kung sakaling itutuloy nga po ito, ay yung atin pong [mga kababayan na] may mga sintomas ang uunahin na i-test."

Una nang sinabi ng OCTA Research Group na posibleng umabot sa mahigit 11,000 bagong kaso ng COVID-19 ang maitatala sa Pilipinas araw-araw bago matapos ang buwan ng Marso kung magpapatuloy ang kasalukuyang trend ng hawaan.

Kaugnay na balita: 11K kada araw na COVID-19 case sa katapusan ng Marso – OCTA

Umabot na sa 721,892 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas, ayon sa huling taya ng DOH nitong Linggo. Sa bilang na 'yan, patay na ang 13,170.

Show comments