Gym, spa, internet cafe sa Metro Manila suspendido

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, napagbotohan ng 17 mayors sa Metro Manila na isara ang mga nabanggit na negosyo na unang pinayagan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases na magpatuloy ang operasyon sa limitadong kapasidad.
STAR/Joey Mendoza, file

MANILA, Philippines — Nagkasundo ang mga mayors sa Metro Manila na pansamantalang ipasara ang mga gyms, spas at internet cafes sa loob ng dalawang linggo upang mas mapigilan ang pagtaas ng bilang ng may COVID-19.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, napagbotohan ng 17 mayors sa Metro Manila na isara ang mga nabanggit na negosyo na unang pinayagan ng Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases na magpatuloy ang operasyon sa limitadong kapasidad.

“It has been determined by the Metro Manila Local Government Units that gyms, spas, and internet cafes encourage the congregation of persons thereby increasing the risk of community transmission of the SARS-CoV-2 virus and its variants,” ayon sa resolusyon.

Nagsimula ang mas mahigpit na restrictions sa Metro Manila kabilang ang Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal noong Lunes na tatagal hanggang Abril 4.

Tanging “essential travel” lamang ang pinapayagang papasok at palabas sa mga nabanggit na lugar.

Samantala, inihayag din ni Roque na nagagalak naman ang Malacañang sa pagpapakita ng kooperasyon ng mga mamamayan sa unang araw nang pagpapatupad ng mas mahigpit na restrictions sa mga lugar na sakop ng general community quarantine.

Nauna nang iniha­yag ni Roque na inaasahang bababa ng 25% ang naitatalang kaso ng COVID-19 pagtapos ng dalawang linggo na mas mahigpit na quarantine sa Metro Manila at apat na kalapit na lalawigan.

Show comments