MANILA, Philippines — Nakapagtala na ang Pilipinas ng higit 7,000 adverse effects ng COVID-19 vaccines na naibigay sa mga health care workers (HCWs) na una sa listahan ng babakunahan ng pamahalaan.
Sa datos ng Food and Drugs Administration (FDA), hanggang nitong Miyerkules ng gabi (Marso 17), ay umabot sa 7,469 ang iniulat na adverse reaction mula sa 240,297 health workers na naturukan ng COVID-19 vaccine.
Sa naturang bilang, 3,700 ang adverse reaction mula sa CoronaVac ng Sinovac habang 3,769 naman ang mula sa AstraZeneca.
Paglilinaw naman ni FDA Director General Dr. Eric Domingo, karamihan sa mga naturukan ay pangkaraniwan at mga inaasahan ang naging epekto habang hindi rin naman seryoso o life threatening ang mga ito.
Nasa 7,331 sa mga ito ang itinuturing na non-serious events, 137 ang serious pero hindi nagresulta sa pagkasawi, habang isa ang namatay.
Halos pareho lang ang naitalang mga adverse effects ng AstraZeneca at CoronaVac; kabilang ang pananakit ng katawan, panginginig, paninikip ng dibdib, at pagkapagal. Mayroon din umanong nakaranas ng pagkahilo at tumaas ang blood pressure.
Ipinaliwanag naman ni Domingo na ang nag-iisang health worker na pumanaw ay nagkaroon ng COVID-19 pagkatapos mabakunahan. Una nang nilinaw ng pamahalaan na hindi ang bakuna ang sanhi ng pagkamatay ng pasyente.