MANILA, Philippines — Sisiyasatin ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang hindi pagbibigay ng 20% discount ng mga food delivery service providers sa mga senior citizens.
Ito’y matapos maghain ng House Resolution 1626 si Deputy Speaker at Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera.
Hiniling ni Herrera na imbestigahan ‘in aid of legislation’ ang hindi pagtalima ng mga food delivery service providers tulad ng Grab Food at Food Panda sa pagkilala sa Republic Act (RA) 9944 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010.
Alinsunod sa nasabing batas sinumang mamamayan ng bansa na nasa 60-anyos na ay kailangang bigyan ng diskuwento at exempted sa VAT sa mga grocery, department store, supermarket, drug store, food chain at iba pa.
Ayon kay Herrera, marami siyang natatanggap na reklamo mula sa mga senior citizens na wala silang diskuwento sa mga food delivery service.