MANILA, Philippines — Pinalagan ng isang senador ang plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na harangin ang pagpapanumbalik ng Kapamilya network sa ere kahit na makakuha pa ng legislative franchise.
Lunes ng gabi nang sabihin ni Duterte na babawalan niya ang National Telecommunications Commission (NTC) na bigyan ng "permit to operate" ang ABS-CBN hangga't "hindi bayad" ang tax liabilities ng huli — kahit maggawad pa ng prangkisa ang Konggreso.
Related Stories
Kaso, mismong Bureau of Internal (BIR) na noon ang nagsabing naasikaso na ng network ang kanilang pending tax case.
"The BIR has already cleared ABS-CBN of its tax liabilities. So, anong sinasabi ni Duterte na kailangan nilang bayaran?" wika ni Sen. Leila de Lima, Martes ng umaga.
"Totoong tax o padulas sa trapo?"
The BIR has already cleared ABS-CBN of its tax liabilities. So, anong sinasabi ni Duterte na kailangan nilang bayaran? Totoong tax o padulas sa trapo? https://t.co/uWDYrGY68t
— Leila de Lima (@SenLeiladeLima) February 9, 2021
Kasalukuyang nasa Kamara at Senado ang ilang panukalang batas para mabigyan ng legislative franchise ang dambuhalang network matapos itong mapaso noong Mayo 2020.
Ilan sa mga nagtutulak ng kanilang pagbabalik ang mga mambabatas na dati na ring naging bahagi ng showbiz industry, gaya na lang nina Rep. Vilma Santos (Batangas) at Senate President Vicente "Tito" Sotto III.
Hindi ito ang unang beses na sinabi ng presidente na haharangin niya ang operasyon ng ABS-CBN, gaya na lang ng kanyang pahayag noong Agosto 2018 dahil sa hindi pag-eere ng network ilan niyang political ads.
"Ang Congress is planning to restore the franchise of the Lopez. Wala akong problema doon kung i-restore ninyo. But if you say that if they can operate kung may — may ano na sila, no, I will not allow them," sabi ni Duterte kagabi.
"Kung ibigay ninyo ‘yung franchise because it is within your power to do it, go ahead. Alam mo bakit? Unless and until mabayaran ng mga Lopez ang taxes nila, I will not — I will ignore your franchise and I will not give them the license to operate. Kalokohan ‘yan."
Pinakawalan ni Digong ang mga naturang bira matapos din niyang ungkatin ang mga utang ng Lopez Group of Companies sa Development Bank of the Philippines.
Kahit gustong harangin ni Duterte ang panunumbalik nila sa ere, una nang sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na pipirmahan ng pangulo ang anumang franchise bill kung lulusot ito sa lehislatura. — James Relativo