Mahihirap na consumers 'bawal muna putulan ng kuryente' ngayong pandemya

Sa undated photo na ito, makikitang nagkukumpuni ng kawad ng kuryente ang ilang manggagawa
The STAR/Boy Santos, File

MANILA, Philippines — Pinalawig ng gobyerno ang polisiya nito na huwag munang putulan ng kuryente ang mga mahihirap na hindi makapagbabayad ng kuryente sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic, pagkukumpirma ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, Huwebes.

Aniya, ang direktiba ay nanggaling kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pulong ng Gabinete nitong Miyerkules kasabay na rin ng rekomendasyon ng Department of Energy (DOE).

"[T]he [DOE] recommended to the president that these no-disconnection policy for life-liners be continued. Ipagpatuloy po. And the president readily agreed given that electricity is a basic necessity that our countrymen cannot live without," sambit ni Nograles.

"Kaya po makakahinga na po nang malalim ang ating mga kababayan na mababa o walang kita. Hindi po kayo mapuputulan ng kuryente. Hindi po kayo pababayaan ni Pangulong Duterte."

 

 

Ayon sa DOE, bagama't 32% ng customer base ng kuryente ay ang mga "life-liners" — o mga o mga low-income consumers na kumokonsumo ng threshold levels na 100 kilowatt-hour pababa — 3% lang ito ng kabuuang electricity sales.

Nakatakda sanang matapos ang no-disconnection policy ng Meralco sa mga mahihirap na pamilyang may "typical consumption" noong ika-31 ng Disyembre, 2020 ngunit pinalawig nila ito hanggang ika-31 ng Enero, 2021.

Bago nangyari ang mga extension, sinabi na ni Meralco Vice-President at Head of Corporate Communications Joe Zaldarriaga na sisimulan na nilang mag-isyu uli ng disconnection notices sa mga users na nahuhuli sa mga pagbabayad.

Basahin: Meralco hikes rates, will resume disconnections

Una nang ipinanawagan ni Sen. Sherwin Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Energy, na hindi ito ang panahonng pangongolekta ng mga bayad lalo na't maraming mahihirap na consumer ang gumastos nang malaki nitong Kapaskuhan.

Matatandaang pumalo rin sa record-high na 17.7% ang unemployment rate nitong Abril 2020 bilang epekto na rin ng malawakang COVID-19 lockdowns at restrictions na labis na tumama sa kabuhayan ng mga manggagawa'y negosyante.

Basahin: 'Record-high': 17.7% kawalang trabaho naitala nitong Abril kasabay ng COVID-19

May kinalaman: Coronavirus pummels Philippines to worst crash on record

"Dahil sa pandemya, nangangailangan po na mag-adjust at umaksyon agad ang administrasyon. Just as our kababayans have had to adapt to the pandemic, so has the government taken steps to help our countrymen cope with the challenges it presents," dagdag ni Nograles kanina.

"This is very doable." — may mga ulat mula sa BusinessWorld

Show comments