MANILA, Philippines — Nadagdagan pa ang listahan ng mga opisyal ng militar na sinibak sa pwesto ng Armed Forces of the Philippines matapos maglabas ng mali-maling listahan ng diumano'y mga rebeldeng komunista — bagay na kulang pa raw bilang parusa ayon sa isang mambabatas.
Tanggal bilang deputy chief of staff ng civil-military operations (J7) si Maj. Gen. Benedict Arevalo habang iniimbestigahan ang pekeng listahang inilabas ng kanyang unit patungkol sa diumano'y mga UP alumni na "nahuli o napatay bilang New People's Army members," ayon sa The STAR, Biyernes.
Naging opisyal ang relief sa pamamagitan ng desisyon ng Board of Generals. Kamakailan lang nag maghain ng kanyang leave of absence si Arevalo para hindi raw maimpluwensyahan ang imbestigasyon.
Ang pagsibak kay Arevalo ay nangyari matapos tanggalin bilang armed forces deputy chief for intelligence si Maj. Gen. Alex Luna kahapon, na naparusahan din dahil sa kontrobersiyal na social media post.
Basahin: Militar nag-sorry sa UP alumni na inilistang NPA kahit hindi naman
May kinalaman: Military intelligence chief sacked over misinformation in list of alleged communist rebels
"I would like to reiterate that indeed a erroneous list was a mistake committed by J7 staff and as the chief of office for Civil Military Operations, J7, I personally take responsibility for their action," ani Arevalo.
Matatandaang lumitaw nang buhay at nakapagsalita pa sa isang online conference ang ilang "NPA' kuno mula sa UP kamakailan. Ang ilan sa kanila, mga opisyal pa mismo ng gobyerno gaya na lang nina dating Department of Health undersecretary at PhilHealth president Alex Padilla.
Ang ilang nasa listahan ay totoong patay na, ngunit dahil sa sakit gaya na lang ng aktibista at theatre personality na si Behn Cervantez.
Una nang ikinabahala ng mga nasa listahan na nailagay sa panganib ang kanilang mga buhay matapos tukuyin bilang mga miyembro ng armadong NPA kahit hindi naman.
May kinalaman: UP pinababawi pag-atras ng DND sa pagbabawal ng pulis, militar sa campus
'Mas maganda buwagin ang NTF-ELCAC'
Sa kabila ng serye ng tanggalan, naninindigan ang militanteng representante ng kabataan sa Kamara na masibak din ang iba pang matataas na opisyal ng Gabinete, gaya na lang ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na pasimuno raw ng red-tagging.
"Bukod [kina] intel chief Maj. Gen. Luna, hindi ba dapat na ring bumaba o tanggalin sina [Defense Secretary Delfin Lorenzana], [NTF-ELCAC executive director Lt. Gen. Antonio Parlade Jr.] at [national security adviser Hermogenes] Esperon, at buwagin na ang NTF-ELCAC?" ani Kabataan Rep. Sarah Elago kanina.
"Lalo na at hindi lang listahan ang mali, kundi ang buong gawi ng pakana nilang red-tagging na mapanganib sa seguridad at mga batayang kalayaan. Kung hindi ito wawakasan, walang bago at pananagutan."
Kanina lang din nang ikatuwa ng pamunuan ng Unibersidad ng Pilipinas ang mga ginawang pagparusa ng Department of National Defense kay De Luna.
UP responds to DND Sec. Lorenzana’s decision to relieve AFP intel chief over erroneous NPA list We in the University of...
Posted by University of the Philippines on Thursday, January 28, 2021
"Secretary Lorenzana’s move displayed professionalism and a willingness to take responsibility for and rectify errors, especially errors as grievous and potentially life-threatening as this list. As UP stands for honor and excellence, we recognize and salute honor wherever it is manifested," sabi ng pamantasan.
— may mga ulat mula kay The STAR/Romina Cabrera