32 na ang House Deputy Speakers

MANILA, Philippines — Umabot na sa 32 ang Deputy Speakers sa ilalim ng liderato ni Speaker Lord Allan Jay Velasco matapos na dalawa pang mambabatas ang maitalaga sa puwesto.

Bago ang Christmas break ng Kamara ay natalaga sa posisyon ng Deputy Speakers sina 8th District Cavite Rep. Abraham “Bambol” Tolentino at 3rd District Davao City Rep. Isidro Ungab.

Noong Marso ay pinatalsik si Ungab bilang Chairman ng House Committee on Appropriations sa ilalim ng liderato ni dating Speaker Alan Peter Cayetano at humalili dito si ACT-CIS Partylist Rep. Eric Go Yap.

Samantala, tinanggal din bilang Chairman ng Committee on Public Accounts si Anakalusugan Rep. Mike Defensor. Humalili naman kay Defensor si Probinsyano Ako Partylist Rep. Jose “Bonito” Singson.

Natalaga naman si Magsasaka Partylist Rep. Argel Cabatbat bilang Deputy Minority Leader at si Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas naman bilang Assistant Minority Leader.

Ang termino ni Velasco ang may pinakamaraming Deputy Speaker sa kasaysayan ng Kamara.

Sa ilalim ng pamumuno ni Cayetano ay nasa 22 ang Deputy Speakers.

Show comments