MANILA, Philippines — Nais ni Senator Nancy Binay na magkaroon ng batas para maaruga pa rin ng mga nakabilanggong solo parents ang kanilang mga anak.
Sa Senate Bill 1344 na inihain ni Binay, nais nitong magkaroon ng mga programa ang gobyerno para matulungan ang mga nakakulong na magulang na maipagpatuloy ang kanilang obligasyon.
Kung solo parents ang nahaharap sa kaso at hahatulan, dapat ipaalam ng korte ang parental rights ng mga akusado.
Kung may menor-de-edad na anak naman ang akusado, aatasan ng korte ang kinatawan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magbigay ng mga posibleng gawin para sa pag-aalaga at kustodiya ng bata.
Nauna rito, igiiniit ng ilang senador sa PNP na huwag ihiwalay si Amanda Echanis sa kanyang isang buwang gulang na sanggol dahil makakaapekto ito sa kanyang paglaki.
Si Amanda na anak ng napaslang na aktibista at peace consultant na si Randall Echanis ay inaresto dahil sa illegal possession of firearms at explosives.