MANILA, Philippines — Bumilis na ang internet signal sa gitna ng nararanasang pandemic, batay sa November 2020 report ng Ookla, global leader sa mobile at broadband network intelligence, testing applications at technology.
Para sa fixed broadband, ang bansa ay may average download speed na 28.69Mbps, 262.71% increase mula sa download speed na 7.91Mbps noong July 2016.
Sa mobile network overall performance, naitala ang average download speed na 18.49Mbps umangat nang 148.52% mula sa speed na 7.44Mbps noong July 2016.
Ang consistent increase na ito sa internet ay naitala sa gitna ng COVID-19 pandemic-related lockdowns na dumiskaril sa infrastructure roll-out at maintenance ng mga cell sites sa iba’t ibang lugar sa bansa mula noong March 2020.
Malaking bagay ang pag-angat na ito lalo pa’t nakaranas ang bansa ng mga kalamidad tulad sa pananalasa ng “Ambo”, “Quinta”, Super Typhoon “Rolly” at Typhoon “Ulysses”.
Nagaganap ito sa gitna ng pagtatangka ng mga telco services na maabot ang 500% increase sa demand ng internet services dahil sa pangangailangan sa work, education at entertainment-related usage sanhi ng community quarantine guidelines.
Una nang hiniling ni President Rodrigo Duterte sa telco services na pabilisin ang internet speed sa taong ito.