Palasyo naniguro: Anak ni Amanda Echanis 'hindi magagaya kay baby River'

Litrato ng political prisoners na sina Amanda Echanis (kaliwa) at Reina Mae Nasino (kanan)
Released/Anakpawis party-list; Released/Kapatid

MANILA, Philippines — Siniguro ng Malacañang na gagawin nila ang lahat upang mailagay sa mabuting lagay ang sanggol ng bagong arestong Cagayan Valley activist — bagay na nakukumpara ngayon sa kontrobersyal na kaso ng isa pang political prisoner na namatayan ng anak matapos sapilitang paglayuin ng gobyerno.

Miyerkules nang hulihin ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Police Regional Office-2 si Amanda Echanis — anak ng napatay na Anakpawis chairperson nitong Agosto — dahil daw sa "illegal possession of firearms" at "explosives." Kasamang kinuha ang kanyang isang-buwang gulang na baby.

Ayon sa ilang observers, masyadong malapit ang isyu sa kontrobersyal na nangyari sa aktibistang si Reina Mae Nasino, na namatayan ng 3-month-old baby matapos arestuhin at paglayuin ng pamahalaan.

May kinalaman: Anakpawis chairperson 'pinagsasaksak hanggang mamatay' sa Novaliches

Basahin: Mother-activist's arrest reminds of Reina Mae Nasino's case

"Well sana po ay hindi na maulit 'yan. But I am calling upon the [Department of Social Welfare and Development] to take steps to ensure that the welfare of the child would be protected," ani Roque sa isang press briefing, Huwebes.

"Hindi po kasi dahilan 'yon na basta may anak ka ay hindi ka makukulong at hindi ka masusubject sa proseso but it is always the rule that government would take steps for the best interests of the child."

Matatandaang nabatikos ang paglalayo noon kina Nasino at kanyang anak na si "baby River," na nauwi pa sa agawan ng labi sa gitna ng funeral march at pagpapadala ng sandamukal na pulis at bumbero.

Pangamba tuloy ngayon ng mga human rights defenders, baka maulit lang ang pangyayaring ito sa ginagawa kay Echanis.

Basahin: Libing ni 'baby River,' anak ng aktibistang preso, nauwi sa agawan ng labi

May kinalaman: Case vs Amanda Echanis similar to most political prisoners, supporters say

Ayon sa Philippine National Police, inaresto nila si Echanis matapos hainan ng search warrant para sa diumano'y paglabag sa Republic Act 10591 (Illegal Possession of Firearms) at RA 9516 (Illegal Possession of Explosives). 

Aniya, 12:00 p.m. kahapon nang makumpiska sa kanya ang sumusunod: 

  • isang unit ng M16 ARIS Colt 5.56 mm assault rifle
  • isang pirasong long plastic magazine para sa M16 rifle
  • isang pirasong long steel magazine para sa M16 Rifle
  • 20 pirasong bala ng M16 Rifle
  • dalawang piraso ng granada

"The raiding team placed Echanis under arrest for the flagrant violations of law. She is identified in police records as Finance Officer of West Front, Komiteng Probinsya ng Cagayan (KOMPROB) Cagayan, KR-CV of CPP/NPA operating in Cagayan Valley region. She will be presented before a prosecutor for inquest proceedings," ayon sa statement ng PNP kanina.

Walang ebidensya vs Amanda Echanis?

Sa kabila nito, kwinekwestyon ngayon ng ilang grupo ang pagkakaaresto kay Echanis lalo na't kwestyonable raw ang mga ebidensya'y "walang" testigo laban sa akusado.

Aminado kasi si PNP chief Debold Sinas na wala pa silang makitang gustong tumestigo laban sa babaeng aktibista.

"[M]aski tanungin mo, ang asawa niya ay nasa underground. Ang problema lang, 'yung mga report namin, walang gustong mag-testify para ma-file-an ng kaso," ani Sinas sa isang statement.

"Hindi po totoong wala 'yan sa underground. Ang asawa niya ay lider ng armado sa [New People's Army] sa Cagayan Valley kaya nga may mga armas 'yan."

Dahil sa mga nasabi ni Sinas, ipinapanawagan tuloy ngayon ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na agarang mapakawalan si Amanda at ang kanyang anak na pinangalanang baby Randall Emmanuel.

Aniya, lumalabas kasi na "hindi matibay" ang reklamo kay Amanda dahil sa kakulangan ng ilang rekisitos.

"Wala naman pala kayong ebidensya at testigo. Batay sa mga haka-haka at kasinungalingan ang pag-aresto niyo sa kanya. Buko na kayo sa tanim-armas at gawa-gawang kaso," ayon kay Elmer Labog, chairperson ng KMU.

"Winawasiwas niyo ang Anti-Terror Law para supilin ang mga tumutulong sa magsasakang nasalanta ng bagyong Ulysses. Release Amanda and her baby now!"

Kahapon lang din nang tangkaing arestuhin ng PNP sa Cagayan Valley ang lider-magsasakang si Isabelo "Buting" Adviento dahil din sa reklamong illegal possession of firearms and explosives.

May kinalaman: Lider-magsasakang 'abala sa Cagayan relief operations' tinangkang arestuhin ng PNP

Hindi nahuli si Adviento dahil wala sa bahay noong abala sa relief operations kaugnay ng nakaraang bagyo. Paratang din ng kanyang misis na si Lina Adviento, nahuli niyang "nagtatanim" ng baril at granada ang mga sundalo sa kanilang sala nang i-raid ang kanilang bahay. 

— may mga ulat mula kay Franco Luna

Show comments