MANILA, Philippines — Wala pa ring tigil ang pagpapatong-patong ng mga panibagong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas, sa pagpapatuloy ng ika-38 linggo ng community quarantine laban sa pandemya.
Humataw na kasi sa 432,925 ang nadadali ng karamdaman sa Pilipinas, pagkaraang madagdagan pa ng 1,298 ang sariwang kaso nito, ayon sa Department of Health (DOH), Martes.
Gayunpaman, 15 laboratoryo pa rin ang hindi nakapagsumite ng kani-kanilang datos noong ika-30 ng Nobyembre, 2020.
Narito ang listahan ng mga may pinakamaraming bagong kaso ng COVID-19 na ini-report ngayong araw:
- Ilocos Norte (84)
- Lungsod ng Maynila (61)
- Quezon (55)
- Laguna (50)
- Negros Occidental (47)
Lalo namang sumadsad ang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, matapos itong bumulusok patungong 25,725. Nakukuha ang active cases matapos iawas ang mga gumaling at namatay na sa sakit.
"Samantala ay mayroon namang naitalang 135 [bagong] gumaling at [27 pang] pumanaw," dagdag pa ng DOH.
Dahil diyan, umabot na sa 398,782 ang gumagaling mula rito habang 8,418 na ang binawian ng buhay lahat-lahat sanhi ng naturang pathogen.
Tinanggal naman na mula sa total case count ang tatlong duplicates sa ngayon, matapos mapag-alamang dalawa sa mga kaso ay gumaling na.
Kaugnay niyan, ni-reclassify naman bilang deaths ang mga naunang naibalitang paggaling ng siyam na katao mula sa COVID-19. Maliban diyan, may isa pang kaso na dating iniulat na casualty ngunit "active case" pa pala.
Kanina lang nang isiwalat ng Kamara na nasa 98 lawmakers at kanilang staff ang nagpositibo sa COVID-19 matapos ang isinagawang "mass testing drive" sa House of Representatives.
Ito ang kinumpirma ni House secretary General Mark Llandro Mendoza, bagay na kumakatawan daw sa 5% ng 2,000 nagtratrabaho sa Mababang Kapulungan na sumailalim sa RT-PCR testing mula pa noong ika-10 ng Nobyembre.
Hindi pa klaro kung ilan sa kanila ang positibong solon at positibong staffer. Halos lahat naman ng nagpositibo sa COVID-19 ay walang sintomas at pinayuhan nang mag-self-isolate.
Basahin: Lawmakers, staff among 98 positive for COVID-19 in House testing drive
Ayon sa World Health Organization (WHO), halos 62.4 milyon na ang nahahawaan ng nasabing sakit sa buong daigdig. Sa bilang na 'yan, nasa 1.5 milyon na ang patay.