UP system magpapatupad ng 'no fail' policy sa gitna ng pandemya, mga bagyo

Protesta ng mga estudyante, guro at kawani sa Quezon Hall, UP Diliman ngayong ika-26 ng Nobyembre 2020 para ipanawagan ang pagtatapos ng semestre at "mass promotion" dahil sa kahirapan sa pag-aaral dulot ng distance learning at mga nagdaang kalamidad
Litrato mula sa Facebook page ng Anakbayan UP Diliman

MANILA, Philippines — Sa gitna ng mga student strikes at panawagang tapusin na ang semestre dulot ng mga kahirapan sa "distance learning" at mga nagdaang kalamidad sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic, napagdesisyunan ng Unibersidad ng Pilipinas na huwag magbagsak ng mga estudyante para sa unang semestre.

Ito ang kinumpirma ng UP Office of the Student Regent ngayong Huwebes nang umaga sa social media.

"UP to implement a 'no fail' policy this semester where a grade of '4' or '5' shall not be given," ayon sa rehente ng mga mag-aaral ng premiere state university.

"[Office of the Vice-President for Academic Affairs] to release guidelines soon."

Sa sistema ng UP, tumutukoy ang singko sa "bagsak," habang nangangahulugan naman ng "removal exams" ang mga nakakukuha ng kwatro para maipasa ang isang subject.

Marami sa ngayon ang hindi makapag-aral aniya nang maayos dahil sa pumapalyang internet connection at pagkasalanta ng maraming estudyante sa pagdaan ng mga bagyo gaya ng Super Typhoon Rolly at Typhoon Ulysses.

Miyerkules nang umabot na sa 15,000 indibidwal ang pumipirma online sa mga petition mula sa iba't ibang UP units sa buong Pilipinas kaugnay ng panawagang "tapusin ang semestre" at "ipasa ang lahat ng estudyante."

Kahapon lang nang nag-trend No. 1 sa Twitter ang hashtag na #EndTheSemUP kaugnay ng naturang mga panawagan.

Kabilang sa mga nakiisa ang nasa 300 guro at mahigit 200 student organizations sa buong UP systems.

Ang naturang petisyon ay nilikom at ipinadala sa mga miyembro ng UP Board of Regents (BOR) para sa BOR meeting ngayong araw.

Matatandaandaang pinasimulan ng mga estudyante mula sa Ateneo de Manila University (ADMU) ang panawagang strike at boykoteyo sa pagsusumite ng mga academic requirements ilang linggo na ang nakakaraan kaugnay ng kapabayaan diumano ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtugon sa COVID-19 pandemic at typhoon response.

Kung hindi aniya ito matutugunan nang maayos ni Duterte, ipapanawagan nila ang pagpapatalsik sa presidente. — James Relativo

Show comments