MANILA, Philippines — Para hindi na paulit-ulit ang problema ng pagbaha sa tuwing may malalakas na pag-ulan at bagyo sa bansa, pinahuhukay ni Sen. Manny Pacquiao ang malalaking ilog sa bansa.
Ayon kay Pacquiao, dapat hukayin ng hanggang 10 metro ang mga ilog para masalo ang mga tubig kapag bumuhos ang malalakas na ulan.
Kabilang umano sa mga dapat hukayin ang Cagayan River, Marikina River, Chiko River, Pampanga River gayundin ang Laguna Lake.
Sinabi pa ng senador na taun-taon na lamang ay may mga nasasayang na buhay at mga ari-arian dahi sa mga mapaminsalang baha.
Paulit-ulit lamang umano itong mangyayari kung hindi agad aaksyunan ng gobyerno.
Ang pahayag ni Pacquiao ay dulot ng malawakang pagbaha sa Metro Manila, Cagayan Valley at iba pang mga lalawigan dahil sa magkakasunod na bagyong dumaan sa bansa nitong Oktubre at Nobyembre.