MANILA, Philippines — Bahagya pang lumakas ang Tropical Storm Siony habang kumikilos nang mabagal sa sa Philippine Sea, silangan ng dulong hilaga ng Luzon.
Natagpuan ang mata ng bagyo 565 kilometro silangan ng Basco, Batanes bandang 10 a.m. May dala itong lakas na aabot ng 85 kilometro kada oras at bugsong papalo ng mahigit 105 kilometro kada oras.
Napakabagal ng pagkilos nito sa direksyong silangan hilagangsilangan — "halos hindi gumagalaw," ayon sa PAGASA.
Gayunpaman, paiba-iba ito ng direksyon kung kaya't hindi pa matiyak nang husto ang patutunguhan nito.
"[T]he tropical storm will move generally westward towards Extreme Northern Luzon. A landfall scenario over Batanes-Babuyan Islands area around Friday remains likely," ayon sa state weather bureau, Martes.
"However, due to the projected quasi-stationary state of this tropical storm, there remains a high degree of uncertainty in the forecast track."
Tinatayang lalakas pa ang bagyo at tuluyang maging "severe tropical storm" sa susunod na 24 hanggang 36 oras.
SEVERE WEATHER BULLETIN #5 FOR: TROPICAL STORM "#SionyPH" (ATSANI) TROPICAL CYCLONE: ALERT ISSUED AT 11:00 AM, 03...
Posted by Dost_pagasa on Monday, November 2, 2020
Wala pa namang nakataas na tropical cyclone wind signal sa ngayon dulot ng bagyong "Siony."
Magdadala ng mahihina hanggang katamtaman na may minsanang malalakas na ulan ang bagyo sa Batanes, Apayao, Cagayan at Isabela dahil na rin sa kombinasyon ng epekto ng northeasterlies.
"Flooding (including flashfloods) and rain-induced landslides may occur during heavy or prolonged rainfall especially in areas that are highly or very highly susceptible to these hazards," sambit pa ng ahensya.
Magdadala din ng malalakas hanggang "near gale conditions" ang Tropical Storms Rolly at Siony sa Batanes, Babuyan Islands at hilagang bahagi ng Cagayan at Ilocos Norte — kahit wala na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang naunang sama ng panahon.
Delikado pa rin naman daw ang paglalayag ng seaboards ng Hilagang Luzon, lalo na para sa mga gagamit lang ng maliliit na sasakyang pandagat.