MANILA, Philippines — Binalaan ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga opisyal at tauhan ng gobyerno na hindi sumusunod sa anti-red tape policy ni Pangulong Duterte na huwag hamunin ang Chief Executive kung ayaw nilang sila ay mapahiya, makasuhan hanggang sa masibak sa puwesto.
“Do not test this administration because we will see to it that you will be held accountable. Hihiyain talaga kayo ni Presidente,” ayon kay Sen. Go ukol sa mga “nagpapatulog” ng dokumentong inilalakad sa mga tanggapan ng pamahalaan.
Kaugnay nito, sinabi ni Go na sinusuportahan niya ang panukalang anti-red tape measure na layong bigyan ang Pangulo ng Pilipinas ng kapangyarihang gawing simple ang proseso sa burukrasya sa panahong may national emergency upang mapadali ang pagnenegosyo at mapalakas din ang paglaban sa katiwalian.
Sa public hearing ng Senate committee on civil service, kasama ang committee on justice, sinuportahan ni Go ang Senate Bill No. 1844 na naglalayong isuspinde ang mga rekisitos sa national at local permits, licenses at certifications at bawasan o pabilisin ang pagpoproseso ng mga kahalintulad nito.