MANILA, Philippines — Inaprubahan na sa komite ng Mababang Kapulungan ang panukalang batas na magpapataw ng kaparusahan sa mga nambabato sa mga dumaraang sasakyan sa mga lansangan.
Sa House Bill 2946 na ipinasa ng Committee on Justice at iniakda nina 1st District Ilocos Norte Rep. Ria Christina Fariñas at Probinsyano AKO Partylist Rep. Rudy Caesar Fariñas, binanggit ang mga inihahagis sa mga sasakyan gaya ng itlog at dumi ng tao na nagdudulot ng paglabo ng paningin ng mga driver na humahantong sa sakuna.
Gayundin ang pambabato ng matitigas na bagay gaya ng bato, hollow blocks, bote, kahoy, bakal at iba pa.
Isinulong ang panukala sa gitna na rin ng maraming insidente ng pambabato sa mga sasakyan partikular sa mga highway na nagdulot ng pinsala sa mga lulan nito at maging sa mga sasakyan.
Ang mga lalabag sakaling mapagtibay ito ay kulong ng 25 taon at multang P100,000 kabilang ang kasong sibil kung nasawi ang sakay ng behikulo.
Kung nasugatan ang sakay, kulong ng 5 taon at P15,000 multa bukod pa sa kasong sibil at pagpapagamot sa nasugatan na lulan ng binatong sasakyan.