'Botante takot sa virus': Solon nais ipagpaliban ng Comelec ang 2022 elections

Kahit may COVID-19 pandemic, hindi nagpatigil ang lola na ito, ika-1 ng Setyembre, na makapagparehistro para sa parating na 2020 national elections,
The STAR/Michael Varcas

MANILA, Philippines — Ipinasasantabi muna ni Pampanga Rep. Mikey Arroyo sa Commission on Elections (Comelec) ang paparating na pambansang halalan sa taong 2022, Huwebes, kaugnay na rin ng patuloy na pagkalat ng nakamamatay na coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas.

Ito ang inilahad ni Arroyo, anak ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, sa ulat ng ABS-CBN sa dahilang matindi pa raw ang takot ng publiko sa pandemya.

Maliban pa riyan, nangangamba si Arroyo na baka kakaonti lang ang makapagrehistro habang COVID-19 season, bukod pa sa mga inaasahang logistical problems.

May lumutang din noong 2018 na panukala na huwag na ituloy ang 2019 mid-term elections para raw makapag-pokus ang mga mambabatas sa paglipat ng Pilipinas sa pederalismo. Ayon kay Rep. Pantaleon Alvarez (Davao del Norte), na House speaker noong panahon na iyon, hindi raw uusad ang charter change dahil mangangampanya na ang mga mambabatas.

Natanggal sa pagka-speaker of the House si Alvarez noong Hulyo ng 2018 at pinalitan ni Arroyo, ang ina ni Rep. Mike Arroyo.

"Definitely, I’m not supporting term extension,” ani House Speaker Arroyo noong buwan din na yun.

Term extensions kung may postponement?

Gayunpaman, sinabi naman daw ni Comelec chairperson Sheriff Abas na nasa Konggreso at kay Pangulong Duterte na ang bola kung nais talaga itong gawin.

Sa kabila niyan, pinag-aaralan naman daw ngayon ng Comelec ang mga hakbang na ginagawa ng South Korea at Estados Unidos para mapanatiling ligtas ang taumbayan sa pandemya kahit na ine-exercise ang kanilang "right to suffrage."

Pinalagan naman ito ni dating Comelec Commissioner Gregorio Larrazabal ang suwestyon, lalo na't hindi raw pupuwedeng i-extend ang termino ng mga kasalukuyang pulitiko.

"There is no reason to postpone the elections. Other countries have had elections already," ani Larrazabal sa isang tweet ngayong hapon.

"Added to this, the term of office of ALL elected officials will end on June 30, 2022, as mandated by the 1987 Constitution.  You CANNOT extend the term of office of elected officials."

Kaugnay niyan, sinabi ni Larrazabal na natitiyak niyang boboto siya sa darating na ika-8 ng Mayo, 2020.

Pangamba naman ngayon ng ilang netizens maaaring "pangongondisyon" ng publiko ang ginagawa ni Arroyo para makakapit sa kapangyarihan ang nakaupo sa pwesto.

"Ayan na. Mind conditioning. Scared of the pandemic pero nagpa-event sa Manila Bay? Tapos yung #voterregistration na may strict social distancing gusto niyo ipahinto, ngayon naman pagpostpone ng #Halalan2022," ayon sa naman sa social media post ng dating PTV news anchor at TV host na si Jules Guiang.

"Nakakagalit. Talagang gagamitin nila ang pandemya para sa kapangyarihan." — may mga ulat mula sa News5

Show comments