MANILA, Philippines (UPDATE 12:51 p.m., Sept. 24) — Naghain na ng kanyang pagbibitiw bilang chairperson emeritus at direktor ng ABS-CBN Corp. na si Eugenio "Gabby" Lopez III, Huwebes, ayon sa isang pahayag na inilabas ng kumpanya.
Ayon kay Kane Errol Choa, head of corporation communications ng Kapamilya network, "personal" ang mga kadahilanan sa pag-alis ni Lopez matapos ang sari-saring dagok na dinanas ng kanilang himpilan.
Related Stories
Sinasabing "effective immediately" ang nasabing pagbibitiw.
Hulyo nang matatandaang tuluyang harangan ng Kongreso ang 25-year renewal ng kanilang legislative franchise, dahilan para matanggal sila sa sa himpapawid at magtanggal ng 5,000 sa 11,000 manggagawa.
Basahin: Kamara ibinasura ang ABS-CBN franchise renewal
"We thank him for his dedication and leadership in expanding and transforming ABS-CBN beyond television over through the years," sambit ng kumpanya.
"Just like his father, Eugenio 'Kapitan Geny Lopez Jr., Gabby is a visionary and compassionate leader driven by his love for the Philippines and the Filipino people."
Kasabay nito, nag-tender na rin siya ng resignation bilang direktor ng mga sumusunod na kumpanya:
- ABS-CBN Holdings Corporation,
- Sky Vision Corporation
- Sky Cable Corporation
- First Philippine Holdings Corporation
- First Gen Corporation
- Rockwell Land Corporation
Citizenship ni Lopez
Matatandaang isa sa nabutbot na isyu ng ilang mambabatas sa franchise hearings ay ang dual citizenship ni Lopez bilang parehong Pilipino at Amerikano. Hindi naman ito ikinakaila ng ABS-CBN.
Sa ilalim kasi ng Section 11 (1) ng 1987 Constitution, hindi pwedeng magmay-ari at mamahala ng mass media ang mga banyaga: "Section 11. (1) The ownership and management of mass media shall be limited to citizens of the Philippines, or to corporations, cooperatives or associations, wholly-owned and managed by such citizens."
Gayunpaman, naninindigan ang Department of Justice na isang Pilipino si Gabby Lopez simula nang siya'y ipinanganak. Ani Justice Undersecretary Emmeline Aglipay-Villar, pareho kasing Filipino citizens ang kanyang ama't ina.
Nagkataon lamang daw na Amerikano rin siya dahil sa ipinanganak siya sa Estados Unidos: "By birth, both Filipino and American citizen," ani Aglipay Villar.
Kiskisan kay Digong
Matatandaang pinag-initan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ABS-CBN simula pa noong siya'y naupo sa puwesto dahil hindi inere ng himpilan ang ilan niyang political ads noong 2016 eleksyon kahit bayad na ito. Ang bagay na 'yan ay nauwi sa ilang pagbabanta at pagpaparinig sa pamilya Lopez.
"Now, ABS-CBN, their franchise is due for renewal... But I will never also intervene. But if I had my way, I will not give it back to you," ani Duterte sa isang pahayag noong 2018.
Maliban diyan, inudyok din ni Duterte ang pamilya Lopez na ibenta na lang ang ABS-CBN — tatlong buwan bago nag-expire ang kanilang prangkisa.
Bagama't itinatanggi ng Palasyo na may kamay si Duterte sa pagbasura ng aplikasyon sa prangkisa ng ABS-CBN, matatandaang nagbunyi si Digong nang magsara ang ilang channels ng network, habang ipinagmamalaking "nadurog" niya ang oligarkiya nang hindi daw nagdedeklara ng martial law.
Una na itong tinawag ng ilan bilang "pag-atake ni Duterte sa kalayaan sa pamamayag" at kabuhayan, kasabay ng pagkawala ng pinagkukunang impormasyon ng nang marami. Sa ilang liblib na lugar kasi at probinsya, tanging ABS-CBN lang ang channel na may malinaw na reception.