MANILA, Philippines — Inaprubahan na sa Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa ang Senate Bill 1520 o ang Medical Scholarship Act.
Layon ng panukala na bigyan ng libreng tuition at iba pang bayarin sa eskwelahan, uniform at living allowance ang mga medical students.
Naniniwala si Sen. Sonny Angara, pangunahing may akda ng panukala na ang mga mahihirap subalit magagaling na estudyante na gustong magkaroon ng magandang buhay ang kanilang pamilya at gustong maglingkod sa bayan bilang mga doktor ay dapat bigyan ng oportunidad.
Sa ilalim ng free medical education ay bibigyan lamang ng scholarship kung papayag sila na pumasok sa return service agreement para masiguro na dito muna sa bansa sila magpa-practice ng kanilang propesyon sa loob ng ilang panahon matapos makuha ang kanilang professional license.