MANILA, Philippines — Pinasinungalingan ng Department of Health (DOH) ang pahayag ng Malacañang noong Huwebes na may kinalaman sa pagtitiyak ng bakuna kontra coronavirus disease (COVID-19) mula sa Estados Unidos ang pagbibigay ng "absolute pardon" kay ex-US marine Joseph Scott Pemberton, isang mamamatay-tao.
Kahapon kasi nang ilutang ni presidential spokesperson Harry Roque — dating abogado ng pamilya ni Jennifer Laude na pinatay ni Pemberton — ang ideya lalo na't iniisip lang daw ni Duterte ang kapakanan ng bansang nalulugmok sa pinsala ng pandemya.
Basahin: Roque believes Pemberton pardon linked to Duterte’s desire to get COVID-19 vaccine access
"No conditions were provided or given para sa atin. Lahat naman ng 'yan, dadaan 'yan sa regulatory processes natin," pagtitiyak ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, Biyernes, sa mga reporters.
"Hindi tayo naka-recieve ng kahit na anumang kondisyon na ganito based from the discussions that we have had with the different manufacturer[s] from the US."
Dagdag pa ni Vergeire, bago pinag-aaralan nila nang maagi ang anumang bakuna o gamot bago papasukin sa Pilipinas upang matiyak na ito'y ligtas at talagang epektibo laban sa COVID-19.
Sa huling taya ng DOH, sumampa na sa 248,947 ang nadadali ng peligrosong virus sa bansa, dahilan para ikamatay ito ng 4,066 katao domestically.
Kasalukuyang nag-uunahan ngayon ang iba't ibang pharmaceutical companies at drug makers sa daigdig upang makahanap ng pangmatagalang solusyon laban sa COVID-19 pandemic, na pumaslang na sa halos 900,000 katao sa buong mundo.
"Ang pagbibigay ng pardon kay Pemberton ay kabahagi ng pagnanais ni presidente na 'pag may vaccine na na-develop, kung sa Amerika man, ay makikinabang din ang Pilipinas," sambit ni Roque kahapon.
"[B]agama't tayo po ay tumayong abogado ng pamilya Laude, eh kung ang ibig sabihin naman niyan ay lahat ng Pilipino ay magkakaroon ng vaccine kung Amerikano ang maka-develop, wala akong problema diyan."
Isa sa mga American manufacturers na kausap ngayon ng DOH ay ang kumpanyang Pfizer, na nalalapit ang pagsasapubliko ng kanilang late-stage COVID-19 vaccine trial. Pagsapit ng Oktubre, malalaman na raw nila kung epektibo laban sa COVID-19 ang kanilang bakuna.
May kaugnayan: COVID-19 vaccine ng US company, masasabing epektibo next month; DOH umuugnay na
Sariling desisyon o tulak ng Kano?
Kaugnay ng balitang ito, iginiit ni Philippine Ambassador to Washington Jose Manuel Romualdez na sariling pagpapasya ni Digong ang pagtatanggal ng parusa ni Pemberton sa pagpatay sa Filipina transgender taong 2014 — at hindi outside pressure ng Amerikano.
Gayunpaman, totoo naman daw na matagal na raw nilang gustong makita ng Amerika na malaya ang kanilang dating sundalo.
"There is no question about it. The US has always wanted to see Private Pemberton be released the soonest possible time. They were waiting for it," ani Romualdez sa panayam ng CNN Philippines.
"They (US officials) were not pushing [his release] at all, they were just concerned how long Pemberton will be under custody."
Aniya, hindi naman daw kinakailangang may maganap na ganitong "trade-off" sa pagitan ng US at Pilipinas para bigyan ng bakuna. Sapat na raw na mag-request ang bansa at agad naman daw bibigyan ng COVID-19 vaccine ang Maynila.
Una nang sinabi ni Duterte na ginawa niya ang naturang maagang pagpapalaya sa dahilang hindi raw naging patas ang trato kay Pemberton, kahit na nakalagay sa isang espesyal na pasilidad ng mga Amerikano at hindi sa regular na presuhan. Wala naman daw siyang naririnig na reklamo hinggil sa pag-uugali ng nasabing preso kung kaya't binigyan ng "pardon" kaugnay ng mabuting asal.
"So ‘yung presumption kasi wala namang sumbong, ‘di walang ginawa ‘yung taong masama. In fairness, tapos na ‘yung kuwentada, he was recommended to be released, ‘di i-release mo," sambit ni Digong.