MANILA, Philippines — Kamakailan lamang ay nakatanggap ng donasyong gulay at bigas mula sa PLDT-Smart Foundation (PSF) ang mga mag-aaral ng Biga Girlstown. Ang nasabing donasyon ay naglalayong makatulong sa kanilang mga nutrisyonal na pangangailangan, lalo na sa ganitong mapaghamong panahon ng pandemya dulot ng COVID-19.
Ang Sisters of Mary Biga Girlstown at Adlas Boystown ay mga benepisyaryo ng Fr. Al’s Children Foundation Inc. (FACFI) na parehong matatagpuan sa Silang, Cavite.
Kasama sa donasyon ng PSF sa Girlstown ang mga sumusunod: 100 sako ng bigas na Dinorado, iba’t ibang klaseng gulay tulad ng patatas, carrots, kalabasa, bawang, talong, monggo, sayote, at sibuyas, na nagkakahalaga ng P145,000.
“Masaya kaming makapagbigay ng mga pagkaing esensiyal sa kalusugan ng mga mag-aaral ng Sisters of Mary Girlstown,” pahayag ni PSF President Ma. Esther Santos.
“Batid namin ang kahalagahan ng masusustansyang pagkain sa mga tulad nilang teenagers upang makalikha ng malakas na immune system na lalaban at tatalo sa anumang uri ng sakit,” dagdag pa ni Santos.
Noong 2015, nag-donate ang PSF ng P5 million sa FACFI na inilaan sa pagpapatayo ng mga workshop ng Boystown para sa mga kurso sa pagsasanay sa Machining NC II at III, at CNC Lathe & Milling.
“Nais kong pasalamatan ang PSF at lahat ng aming mga benepisyaryo sa kanilang suporta na nagbibigay-daan sa amin upang maisakatuparan ang aming responsibilidad na maibigay sa mga kabataan ang kanilang pangunahing pangangailangan: pagkain, tirahan, damit, edukasyon sa high school - nang walang bayad,” pahayag naman ni Sister Teresita Sumalabe, SM OIC ng FACFI.
“Bagaman maraming pangamba at alalahanin, lalo na sa panahon ng pandemyang ito, tiwala kami at buo ang pag-asa na may pananalig sa Diyos. Kasama ang aming mga benefactors na laging handang dumamay sa amin sa marangal na gawaing ito, tayo ay uusad tungo sa isang mas mahusay na lipunan na may magandang kinabukasan.” dagdag pa ni Sister Teresita.
Ang Sisters ni Mary Boystown ay may 1,940 mga mag-aaral habang ang Girlstown ay may populasyon na 2,779. Ang mga libreng boarding school na ito ay tumatanggap ng mga kwalipikadong mag-aaral sa high school na kabilang sa pinakamahihirap na pamilya mula sa buong Pilipinas.
Ang PSF ay isang non-profit na organisasyon na nagsisilbing social outreach arm ng PLDT Inc. at ng wireless subsidiary nito na Smart Communications Inc.
Mula sa pangunguna ni PLDT at Smart Chairman Manuel V. Pangilinan, ang PSF ay lumikha ng mga programa na nakatuon sa edukasyon, kabuhayan at panlipunang negosyo, pagtugon sa kalamidad at pagbangon mula rito, sining para sa kabataan, at sports development.