Balut, taho vendors balik-trabaho sa modified ECQ; holding hands ng mag-jowa bawal

Namimigay ng libreng taho ang manlalakong ito sa mga frontline workers ng Valenzuela-Meycauayan boundary sa gitna ng enhanced community quarantine (ECQ).

MANILA, Philippines — Makapagtratrabaho na uli ang ilang street vendors sa pagpapatupad nang mas maluwaga na modified enhanced community quarantine (ECQ) bukas, ika-16 ng Mayo, pero kailangan munang magtimpi ng mga gustong umalembong sa labas at mag-PDA (public display of affection).

Sa panayam ng GMA News kay presidential spokersperson Harry Roque, Biyernes, sinabi niyang pwede nang maghanap-buhay ang mga magtataho at nagbebenta ng balut.

Aniya, wala raw itong problema basta't susunod sa social distancing sa ilalim ng mas maluwag na lockdown measures sa Metro Manila, Lungsod ng Cebu City at probinsya ng Laguna sa Sabado.

"Alam ninyo kasi kung pinapayagan na 'yung paglabas sa bahay para mag-exercise, tumakbo, magbisikleta, so sa tingin ko po pupuwede na basta huwag lang silang magkumpol-kumpol," sagot ni Roque nang tanungin.

Sa ilalim ng modified ECQ, papayagan na ring magbukas ang ilang industriya, kasama ang operasyon ng piling manufacturing at processing plants basta't hanggang 50% lang ng trabahante ang papapasukin.

Bagama't bawal pa rin ang pampublikong transportasyon, hinihikayat naman ang pagsakay sa bisikleta at iba pang non-motorized transport sa ilalim ng modified ECQ.

(May Kaugnayan: LIST: Businesses, activities allowed in all quarantine areas starting May 16)

Ipinatupad ito upang makabawi ang ekonomiya sa pinsalang dulot ng naunang ECQ, na ipinatupad para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).

Pwede na ring maglakad-lakad sa labas upang makapag-ehersisyo, pero bawal namang magharutan nang pisikal ang mga magsing-irog.

"Iyong mga mag-asawa po, kinakailangan maghiwalay kayo 'pag naglalakad. Temporary hiwalay muna iyong mga boyfriend... Wala munang holding hands habang naglalakad po," sabi naman ni Roque sa hiwalay na panayam ng dzMM.

Show comments