MANILA, Philippines — Hindi kasama sa mga pinagpipiliang hakbang ng ABS-CBN Corp. ang pagbebenta sa higanteng kumpanya ng media, 'yan ang sabi ng himpilan habang patuloy na inilalaban ang pagpapatakbo ng kanilang mga istasyon ng telebisyon at radyo.
"Hindi ibinebenta ang ABS-CBN," sabi ni Kane Errol Choa, corporate communications director ng network sa Inggles, Lunes ng umaga.
Pinagko-komento kasi ng Philstar.com si Choa hinggil sa pahayag ni Davao-based businessman Dennis Uy, na "walang intensyon kunin" ng kanyang kumpanyang Udenna Corp. ang ABS-CBN.
"Hindi parte ng aming corporate direction ang negosyo ng broadcasting," sabi ni Uy.
'Yan ay kahit sinabi ng kanyang ISM Communications noong Disyembre 2019 na balak maging "parent entity" ng Udenna Communications Media and Entertainment Holdings Corp. sa telecommunications, media at entertainment business shares nila.
Ugong-ugong ngayon na kukunin ni Uy ang free TV network ng ABS-CBN matapos nitong bigong mapagpanibago ang kanilang prangkisa, kaugnay na rin ng pagkatengga ng 12 panukalang batas hinggil sa franchise renewal sa Kamara simula pa noong 2014.
Kaibigan ni Pangulong Rodrigo Duterte, na nakaalitan ng ABS-CBN, si Uy. Kilalang campaign donor ni Digong noong 2016 national elections si Uy, na labis nakapagpalaki simula nang manungkulan ang presidente.
Disyembre 2019 din nang imungkahi ni Duterte sa pamilyang Lopez na ibenta na lang ang network, matapos birahin ang kanilang hindi pag-ere sa kanyang political advertisements noong kampanya.
Sa kabila niyan, mataas raw ang respeto ni Uy sa ABS-CBN sa mga nagawa at gusto pang gawin ng Kapamilya Network, at sinabing sana'y maayos nila ang kanilang kinasasangkutang gusot.
Dahil hindi ibinebenta at walang klarong bibili, lumalabas na hindi pa mangyayari ang direktang takeover ng ABS-CBN. Ngunit maaari pang pumasok ang mga panibagong players, lalo na kung mapagdesisyunan ng National Telecommunications Commission (NTC) na nawala nila ang kanilang karapatan na hawakan ang kanilang mga frequency habang walang prangkisa.
Miyerkules nang sabihin ni NTC Deputy Commissioner Edgardo Cabarios na aalamin nila 'yan matapos tumugon ng ABS-CBN kung bakit dapat mapanatili nila ang kanilang mga frequency, kahit na hindi pa nare-renew ang prangkisa.
"Kung hindi nila mabigyang katwiran ang paghawak nila ng mga frequency, pwede naming bawiin ang mga frequency na 'yan," sabi ni Cabarios noon.
Ang frequency ang ginagamit ng mga TV at radio networks at telcos para tumakbo. Kung babawiin, may kapangyarihan ang NTC na i-bid ito sa panibagong player.
May 10 araw ang dambuhalang media network para magsumite ng kanilang mga kadahilanan sa NTC. Samantala, hinihintay pa rin ng Dosang desisyon kung mapagbibigyan ang kanilang temporary restraining order laban sa cease and desist order ng NTC sa Korte Suprema. — James Relativo at may mga ulat mula kay Prinz Magtulis