Mga residente na nagpo-post sa Facebook na hindi nabigyan ng ayuda, ikinukulong

Ayon kay DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño, ilan lang ito sa 3,000 reklamong kanilang natatanggap kabilang ang ilang local officials na nagtutungo umano sa mga bahay ng mga residente, dinadala ang mga ito sa barangay hall at ikinukulong sila sa presinto dahil sa posts nila sa social media.
STAR/File

MANILA, Philippines — Inaaresto at ikinukulong umano ang mga residente dahil sa pagpapaskil ng kanilang mga concern o hinaing sa social media hinggil sa Social Amelioration Program (SAP) distribution.

Ayon kay DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño, ilan lang ito sa 3,000 reklamong kanilang natatanggap kabilang ang ilang local officials na nagtutungo umano sa mga bahay ng mga residente, dinadala ang mga ito sa barangay hall at ikinukulong sila sa presinto dahil sa posts nila sa social media.

“Meron pa diyan nag-post sa Facebook na, ‘Ako ay hindi nakatanggap. Ako ay hinatian (ng ayuda). Ako ay tinakot,’” ani Diño, “Pinuntahan ‘yung nag-Facebook at kinaladkad papuntang barangay. Meron pa, ipinakulong.”

Pinaalalahanan ni Diño ang mga pulis na huwag ikulong ang isang tao dahil lamang dinala sila ng mga barangay officials. Binalaan pa niya ang mga ito na maaari silang makasuhan dahil dito.

Tiniyak naman niya na lahat ng natatanggap nilang reklamo ay may case buildup na at sasampahan ng kaso ang mga taong sangkot dito.

Kahapon ang deadline ng pamamahagi ng SAP matapos hindi na ito palawigin ng DILG.

Show comments