MANILA, Philippines — Hindi dapat mapabilang sa mga palalayaing inmates ang mga akusado sa pagkamatay ng hazing victim na si University of Santo Tomas law student Horacio ‘Atio’ Castilllo III.
Ito ang idiniin kahapon ni Bicol Ako Partylist Rep. Alfredo Garbin Jr., vice chairman ng House Committee on Justice at may akda ng bagong Anti-Hazing Law, dahil sa napipintong pagpapalaya sa mga inmates dulot ng krisis sa coronavirus disease 2019.
“Hindi puwedeng idahilan ng mga akusado sa Atio Castillo hazing death case ang COVID 19 para pansamantalang makalaya,” sabi ni Garbin.
Ayon kay Garbin, ang rekomendasyon ng kaniyang komite sa Supreme Court at Department of Justice ay ang mabigyan ng benepisyo ang mga low-level offenders, mga maysakit at matatandang preso upang hindi magkahawaan sa siksikang mga jail facility ang mga inmates.
“The violation of the hazing law is a non-bailable offense. I also doubt if Mhin Wei Chan and the other accused can qualify as indigents. They are flight risks with the means to hide or flee,” punto ni Garbin.
Si Chan ay kabilang sa mga akusado sa malagim na hazing na ikinasawi ni Castillo noong Setyembre 17, 2017.
Nabatid na nagsumite ng mosyon si Chan na humihiling ng provisional liberty bunga umano ng banta sa kalusugan sa tumataas na kaso ng COVID-19 sa mga jail facility.