MANILA, Philippines — Trending ngayon ang isang alkalde sa Metro Manila matapos bahain ng batikos dahil sa "mistaken identity" kaugnay ng coronavirus disease (COVID-19) lockdown.
Inakala kasi ng ilan na pinayagan ni Valenzuela Mayor Rex Gatchalian ang nangyaring religious procession sa bansang Venezuela habang umiiral ang Luzon-wide lockdown. 'Di nila alam, magkaibang lugar ang dalawa.
"So ang daming nagagalit sa akin dahil dito," sabi niya matapos magpost ng pictures mula sa Latin American country.
"Mga sirs and ma'ams, Mayor po ako ng dakilang lungsod ng Valenzuela. Hindi po ng bansa na Venezuela."
So ang daming nagagalit sa akin dahil dito.
— Rex (@rex_gatchalian) April 9, 2020
Hindi ko alam na ako na din pala ang pinuno ng bansa na Venezuela.
Mga sirs and ma'ams, Mayor po ako ng dakilang lungsod ng Valenzuela. Hindi po ng bansa na Venezuela... pic.twitter.com/3mZIFTsIfx
Bagama't may banta rin ng COVID-19 sa Venezuela, bumuhos kasi sa kalsada ang mga Katoliko sa Caracas upang lumahok sa tradisyunal na prusisyon ng Nazareno de San Pablo ngayong Mahal na Araw.
Dahil diyan, nalito ang ilang Filipino netizens sa pag-aakalang sa Lungsod ng Valenzuela ito ginanap, na saklaw ng enhanced community quarantine ng Luzon.
Lubhang ikinagalit tuloy ito ng netizens, sa takot na baka lalong magkahawaan at kumalat ang virus sa Pilipinas.
"Grabe naman 'yan, Mayor Rex Gatchalian bakit pinayagan niyo magprusisyon ang Nazareno sa Valenzuela? Eh malinaw na quarantine dapat," sabi ng isang babaeng netizen.
Sinagot tuloy ng ibang internet users ang mislead comment ng babae: "basa2x din sis. wag shunga," sabi ng iba pa.
Dahil diyan, ikinagulat na lang ni Gatchalian na "head of state" na pala siyang ituring ng ilan.
"Hindi ko alam na ako na din pala ang pinuno ng bansa na Venezuela," sabi ni pa nang pabiro.
Sa gitna ng kalituhan, hindi naman napigilang mag-ala "Four Sisters and a Wedding" ng opisyal na Twitter account ng Valenzuela city government.
"Bakit parang kasalan[an] ko?" sabi ng tweet, na isa sa mga tanyag na linyang binitiwan ng aktres na si Bea Alonzo sa pelikula.
Bakit parang kasalan ko? https://t.co/qxeH5LrrPr
— valenzuelacity (@valenzuelacity) April 9, 2020
Umabot na sa 4,076 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, kung saan 203 sa kanila ang namatay na.
Suspendido pa rin ang lahat ng pasok sa eskwelahan at pampublikong transportasyon sa Luzon buhat ng matataas na bilang na yan.