MANILA, Philippines — Suportado ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go ang ginawang apela ng Philippine Nurses Association na tulungan ang mga nurses na persons under investigations (PUIs) na agad silang masuri sa coronavirus disease (COVID-19).
“Dapat lang namang i-test ang mga nurse at iba pa nating health workers dahil sila ang pinaka-kailangan natin sa laban na ito. Dapat natin silang alagaan upang maalagaan nila ang mga pasyente,” sabi ni Go, nagsisilbing chairman ng Senate committee on health and demography.
“Dahil exposed sila sa mga pasyente halos araw-araw, malaki ang posibilidad na mahawa sila kahit nag-iingat sila. Dapat din nating malaman agad kung negative o positive sila para maiwasan ang unnecessary quarantine. We need as many healthy nurses as we can get right now,” ayon sa senador.
Suportado ni Go ang ginawang apela ni PNA national president Rosie de Leon na sana’y maisailalim din sa mga pagsusuri ang mga nurse na nagsisilbing frontliner sa labang ito ng bansa Covid-19.
“Ang pakiusap namin po, ‘yung mga nurses who will be considered PUI be given priority in the test,” ani De Leon.
“‘Yung isa po naming chief assistance nurse, nakapila po. ‘Yun po ang pakiusap namin, lahat po ng PUI nurses be given priority kasi mahirap po ‘yun eh. Kung sila po ay naka-self-quarantine, pagkatapos po hindi naman natin ma-test kung talagang sila ay positive or not, made-deplete po ‘yung ating number ng health care workers,” dagdag niya.