MANILA, Philippines — Itratransporma ng gobyerno ang ilang sasakyang pandagat, hotel at malalaking pasilidad gaya ng Philippine International Convention Center (PICC) at World Trade Center bilang quarantine sites sa gitna ng patuloy na paglobo ng coronavirus disease (COVID-19) cases sa Pilipinas.
Siksikan na ang mga ospital dahil sa pagdami ng mga suspect at confirmed infection ng COVID-19 sa bansa, habang ang ilang pagamutan sa Metro Manila, hindi na tumatanggap ng panibagong pasyente.
Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, ilan sa mga mga ico-convert bilang "fully-functional" quarantine facilities ang PICC at World Trade Center sa Pasay City at Rizal Memorial Complex sa Maynila.
Gagamitin ang mga naturang pasilidad para matuluyan ng mga tinamaan ng COVID-10, patients under investigation (PUIs) at persons under monitoring (PUMs).
Ang Department of Public Works and Highways na raw ang bahala, kasama ng pribadong sektor, sa paglikha ng quarantine sites mula sa mga naturang lugar.
Inatasan naman na ng Department of Transportation na tukuyin ang mga maritime vessels na maaaring magsilbing "floating quarantine centers."
Ipinapa-identity na rin sa Department of Tourism ang mga hotel at iba pang establisyamento na maaaring gawing quarantine facilities sa bawat rehiyon ng bansa.
Ang Bureau of Quarantine ang magsisigurong ayos ang mga nasabing pasilidad.
Patatakbuhin ng mga "composite teams" mula sa Depaartment of Health Centers for Health Development at regional offices ng Department of the Interior and Local government ang mga quarantine sites, kasama ng mga local government units, pulis at militar.
Ito na ang ikatlong linggo ng Luzon sa ilalim ng enhanced community quarantine, sa pagsisikap ng gobyerno na masawata ang pagkalat ng sakit na tumama na sa 1,546 sa Pilipinas — 78 sa kanila ang pumanaw na. — James Relativo at may mga ulat mula kay Gaea Katreena Cabico