MANILA, Philippines — Itinulak ng isang labor group ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpatupad ng "zero collection" sa lahat ng public utilities ngayong Marso habang apektado ng enhanced community quarantine ang trabaho ng marami sa Luzon.
Dahil sa lockdown dulot ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic, naantala ang normal na operasyon ng mga trabaho't suspendido ang pampublikong transportasyon para makaiwas sa pagkalat ng nakamamatay na sakit hanggang Abril.
Ayon sa Defend Jobs Philippines, malaki ang maitutulong nito para sa mga manggagawa. "No work no pay" ang marami sa kanila habang sarado naman ang maraming negosyo sa ngayon.
"Kinakailangang pawiin ng gobyerno ang pangamba ng mga manggagawang Pilipino kung saan kukunin ang pera para sa March bills oras na humupa ang pandemic at bawiin ang mga lockdown," sabi ni Thadeus Ifurung, tagapagsalita ng Defend Jobs, sa Inggles.
"Iniisip ng mga manggagawa kung paano pakakainin ang pamilya nila para manatiling buhay sa krisis oras na mag-normalize ang trabaho nila."
Marso nang i-libre na ng SM Supermalls ang paniningil ng renta sa lahat ng kanilang tenant sa buong bansa mula ika-16 ng Marso hanggang ika-14 ng Abril.
Ganoon din ang ginawa ng Manila City Council para sa lahat ng rental dues ng mga tindero't stall owners sa palengke habang ipinatutupad ang quarantine.
Kasalukuyang naka-"work from home" set-up ang maraming opisina upang makapagpatuloy ng operasyon habang lockdown, ngunit hindi lahat ng trabaho ay pwede ito.
Gutom ang kinakaharap ngayon ng mga tsuper ng jeep, tricycle, bus, taxi at sari-saring ride-hailing services bunsod ng isang buwang suspensyon ng public transportation.
Mas mababang kita ng Meralco
Dahil sa enhanced community quarantine, sinabi na ng Manila Electric Co. (Meralco) na inaasahan nila ang pagbaba ng kanilang kita ngayong Marso.
"Isinasapinal pa [namin] ang mga numero, pero nakikita naming bababa ang demand, lalo na sa commercial at industrial sectors simula ng quarantine period," ani Meralco first vice president at head of customer retail services and corporate communications Victor Genuino.
Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang sabihin ng state-run National Electrification Administration (NEA) na 83 electric cooperatives na ang pumayag sa 30-day extension para pagbabayad ng power bills sa kabila ng health crisis.
Bukod sa tubig at kuryente, umaasa ang grupo nina Ifurung na malilibre rin ng mga telecommunication firms ang singil sa internet, na kasama rin sa public utilities.
"Dapat tumugon ang mga pribadong kumpanya ng public utility sa panawagang #ZeroBillsMarch at agaran itong ipatupad bilang parte ng kanilang social responsibility measures," wika pa ng tagapagsalita ng Defend Jobs Philippines.
Una nang sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na bibigyan nila ng P5,000 tulong pinansyal ang mga manggagawa sa pribadong sektor na mawawalan ng trabaho sanhi ng Luzon-wide lockdown.
Umabot naman ng P27.1 bilyon ang inilatag na spending plan ng pamahalaang Duterte para sawatahin ang pagkalat ng COVID-19 Pilipinas.
Sa kabila nito, sinabi naman ng economic think tank na IBON Foundation na P14 sa nasabing halaga ay mapupunta sa big-ticket TIEZA infrastructure projects ng Department of Tourism, na wala naman daw kuneksyon sa pagtugon sa COVID-19.