Nagpunta sa Palasyo kahit PUI
MANILA, Philippines — Pinag-aaralan na ng Presidential Security Group (PSG) na sampahan ng kaso si ACT-CIS party-list Rep. Eric Go Yap matapos magpunta sa Malacañang kahit person under investigation o PUI na siya.
Ayon kay PSG Commander Col. Jesus Durante III, hindi idineklara ni Yap sa health declaration form na pinapa-fill up ng PSG na nakararanas na pala siya ng sintomas ng COVID-19 at sumailalim na sa testing noong March 15.
Nagtungo pa si Yap sa Malacañang noong March 21 para makipagpulong sa ilang mambabatas at Gabinete.
Bago pumasok ng Malacañang may pinapasagutang form tungkol sa kalusugan at mga nakaraang biyahe na pinagbabatayan kung papasukin o hindi sa Palasyo ang isang indibiduwal
Sinabi ni Durante na pinapasok ng PSG si Yap base sa mga sagot nito.
Dahil sa pagsisinungaling ni Yap, anim na PSG personnel at 20 staff ng Office of the President ang naka-quarantine na at person under investigation.
Inihayag ni Yap kamakalawa ng gabi na positibo siya sa COVID-19.
Humingi naman ng tawad si Yap sa mga taong kaniyang nakasalamuha.
Sinabi ni Yap na nagpa-test siya dahil na-expose siya sa iba’t-ibang mga tao na may exposure rin sa COVID 19 pero dahil hindi agad nailabas ng Department of Health (DOH) ang resulta ay hindi siya sumailalim sa 14 araw na self-quarantine.
Nitong Lunes, Marso 23 ay dumalo pa si Yap sa special session ng Kamara para ipasa ang House Bill 6616 o Bayanihan Act of 2020.
Samantala, sumailalim na rin sa 14-day self-quarantine ang mga kongresistang nakasalamuha ni Yap.