MANILA, Philippines — Kinumpirma ng gobyerno ng Australia na nadagdagan sila ng anim na panibagong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) — isa sa kanila, pinaniniwalaang nanggaling sa Pilipinas.
Sa statement na inilabas ng federal state ng New South Wales, Miyerkules, sinasabing babae ang naturang biyahero.
"Isang kumpirmadong kaso, babae na nasa kanyang 60-anyos na bumalik sa Australia noong ika-3 ng Marso, ang pinaniniwalaang nanggaling sa Pilipinas," sabi ng pahayag sa Inggles.
"Kinukuha pa ang mga detalye ng kanyang biyahe at ilalabas din oras na mapag-alamang naisapeligro niya ang iba pang pasahero sa kanyang flight."
Una nang naibalita na umabot na sa tatlo ang bilang ng mga confirmed COVID-19 cases sa Pilipinas, isa sa kanila'y namatay na.
Nag-recover naman na ang dalawa pa sa mga ito habang wala pa ring bagong admitted confirmed cases, ayon sa datos ng Department of Health ngayong araw.
Sa kabila niyan, meron pa ring 37 patients under investigation kaugnay ng sakit mula sa mga sumusunod na rehiyon:
- Cordillera Administrative Region (1)
- Ilocos (1)
- Cagayan Valley (1)
- Cantral Luzon (5)
- National Capital Region (23)
- Calabarzon (1)
- Bicol (2)
- Western Visayas (1)
- Central Visayas (1)
- Soccsksargen (1)
Kasalukuyang nasa 22 na ang bilang ng mga COVID-19 infections sa kabuuan ng Sydney simula nang pumutok ang outbreak na nagmula sa Wuhan, China.
"Patuloy naman ang [New South Wales] Health sa paghanap at pagresponde sa mga kaso habang sila'y nada-diagnose para na rin mapabagal ang pagkalat ng COVID-19 sa komunidad," sabi pa ng Australian state.