MANILA, Philippines — “Kailangang malaman natin ang katotohanan at kailangan marinig ito ng taumbayan.”
Ito ang sinabi ni Senador Grace Poe sa pagdinig ng committee on public services ng Senado tungkol sa prangkisa ng iba’t ibang broadcast network kasama na ang ABS-CBN.
“Idinidiin natin na ang pagdinig na ito ay parte ng kapangyarihan ng Senado batay na rin sa nakasaad sa ating Konstitusyon na hindi naman taliwas sa mga naging desisyon ng Korte Suprema patungkol sa hurisdiksyon sa pagdinig ng mga prangkisa at sabayang pagtalakay ng mga issue,” ani Poe.
“Bagama’t mas madalas nagmumula ang mga franchise bills sa Kongreso or sa House, hindi na rin bago na magkaroon ng sabayang pagdinig para sa mabilisang lehislasyon lalo na ang mga prayoridad ng presidente tulad ng budget at TRAIN law,” pagdidiin ni Poe.
Tiwala si Poe sa kapangyarihan ng Senado na dinggin ang mga resolusyong inihain ukol sa ABS-CBN.
“Maraming gustong pumigil sa pagdinig na ito o kinukwestyon ang pagdinig na ito, pero naninindigan ang Senado sa kapangyarihan nito bilang kapantay na sangay ng gobyerno sa isang republika at demokrasya.
Kailangan nating panatilihin ang balance at separation of powers,” pahayag ni Poe.
Sinabi ni Poe na walang probisyon sa batas ng mga prangkisa patungkol sa pagbibigay ng provisional authority ng NTC para sa mga nasa proseso pa ng renewal ng prangkisa kaya dapat pairalin di umano ang “equity” na siyang ikabubuti ng nakararami.