Bisita nilimitahan
MANILA, Philippines — Natuloy na rin kahapon ang pagdaraos ng Philippine Military Academy (PMA) alumni homecoming sa Baguio City ngunit kakaunti lamang ang naitalang dumalo rito bunsod na rin ng banta ng 2019 coronavirus disease (COVID-19).
Nilinaw ni Capt. Cheryl Tindog, tagapagsalita ng PMA, ang paglilimita sa mga bisitang pinayagang pumasok sa PMA ay bahagi lamang ng kanilang protocol o precautionary measure laban sa COVID-19 upang maprotektahan ang kalusugan at kapakanan ng kanilang mga kadete at ng publiko.
Matatandaang unang linggo pa lang ng buwan ng Pebrero nang isara ang PMA sa mga bisita at maaari lang pumasok sa akademya ang mga alumni at kanilang pamilya bagama’t limitado rin lamang.
Bago payagang makapasok ay sinusuri ang temperatura at ang mga makikitaan ng sintomas ng virus, gaya ng lagnat, ay iminumungkahing magtungo muna sa pagamutan.
Hindi naman kaagad natukoy kung gaano karami ang bilang ng mga dumalo sa pagtitipon.
Habang isinusulat ang balitang ito ay wala naman umanong kadete ang nakitaan ng sintomas ng virus ngunit tiniyak ng PMA na handa naman sila sakaling may matukoy na kaso ng sakit.