PPP contract sa Hermosa landfill pinakakansela

MANILA, Philippines – Pinakakansela ng Sangguniang Bayan ng Hermosa ang Public Private Partnership (PPP) agreement sa pagitan ng lokal na pamahalaan ng Hermosa, Bataan at Econest Waste Management Corp. (Econest WMC) kaugnay ng umano’y paglabag sa Environmental laws ng kumpanya.

Ang naturang kumpanya ang nag-ooperate ng Hermosa Sanitary Landfill Facility (SLF) sa Barangay Mambog, Hermosa.

Sa press conference sa QC, sinabi ni Hermosa Councilor Reggie Santos, may paglabag sa batas ang Econest WMC batay sa findings ng regional office ng Environmental Management Bureau ng Department of Environment and Natural Resources (EMB-DENR).

Sinasabing ang Econest WMC ay nag-ooperate ng walang valid Discharge Permit and Hazardous Waste Generator Registration Certificate.

Inereklamo din ng grupong Ecoguardians, na dating mga sorters ng mga basura sa naturang sanitary landfill na bigong tupdin ng kumpanya ang pangako sa kanila  kabilang ang P1 milyong pondo para sa kanilang livelihood projects.

Bukod kay Santos, sumang-ayon din ang mayorya ng konseho ng Hermosa na kanselahin ang PPP project.

Iniulat din ni Regional Director Wilson Trajeco, na ilan sa treatment units ng Leachate Treatment Facilities ay walang protective lining na maaaring magkontamina sa underground water ng bayan ng Hermosa dahil umano sa katas ng basura na tumatagas at nasisipsip ng lupa sa naturang lugar.

Bunga nito, binigyan ng 10 araw na palugit  ang Econest WMC para sagutin ang mga nakitang paglabag sa Philippine Clean Water Act of 2004.

 

Show comments