MANILA, Philippines — Ipinahayag kahapon ng Department of Health na umakyat na sa 80 ang bilang ng mga taong binabantayan ng Pilipinas sa posibleng 2019-nCoV-Acure Respiratory Disease sa bansa.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, nasa 30 naman dito ang nagnegatibo sa bagong strain ng virus, dalawa ang positibo habang 48 naman ang naghihintay ng resulta.
Sinabi ni Duque sa isang pulong-balitaan na 67 ang naipasok sa ospital at naka-isolate habang 10 naman ang nakalabas na ngunit nasa ilalim pa rin ng mahigpit na pagbabantay.
Sa dalawang kumpirmadong kaso, isa sa mga ito ang nasawi. Dahilan upang umabot sa 80 ang bilang ng persons under investigation (PUIs).
Sinabi ng kalihim na sa pagtaas ng bilang ng mga pasyente, binabantayan ito ng pinabuting surveillance system ng ahensya at contact tracing ng epidemiology bureau.
Sinabi rin nito ang tungkol sa pagpapalawak ng kanilang criteria na isama ang buong China sa pagtingin sa travel history ng mga pasyente.
Sabado nang masawi ang isa sa kumpirmadong kaso ng nCoV, isang 44-anyos na lalaking Chinese mula Wuhan, China. Naiulat naman noong Enero 30 ang unang kaso ng 2019-nCoV ARD sa Pilipinas. Isa itong 38-anyos na babaeng Chinese na nobya ng unang nasawi sa coronavirus sa bansa.
Sinabi naman ni Duque na bukod sa 2019-nCoV, nagpositibo rin ang lalaki sa Streptococcus pneumoniae at Haemophilus influenza type b.
Giit naman ni Health Undersecretary Eric Domingo, “community-aquired” ang pneumonia ng pasyente na base sa mga ulat. Ito ang unang kaso na sinuri para sa 2019-nCoV ang pasyente, ani Domingo.
Ayon naman kay Duque, binabantayan pa rin ang babaeng Chinese kahit stable na ang kondisyon nito. Kailangan niyang magnegatibo nang dalawang beses bago siya palabasin ng ospital sa Maynila.
Idiniin naman ng kalihim na imported cases ng novel coronavirus ang dalawang kumpirmadong kaso nito sa bansa. Aniya, may “zero local transmission” kumpara sa ibang bansa ang Pilipinas.
Natukoy na rin ng DOH ang 74 na katao na nakasalamuha ng dalawang Chinese na nag-positibo sa novel coronavirus.
Ayon kay DOH epidemiology bureau head Dr. Ferchito Avelino, ang 74 ay nabigyan na ng abiso para magsagawa ng home quarantine.
Paliwanag ng DOH, ang mga ito ay isolated at hindi muna makikihalubilo sa iba.
Una nang sinabi ng DOH na katuwang ang airline company at ang mga lokal na pamahalaan kung saan nagtungo ang dalawa ay hinanap ang kanilang mga nakahalubilo.
Ito ay para masuri ang mga ito at matiyak na ligtas sila sa nCoV.
Sa 74 na nahanap, mayroong walo na nakitaan ng sintomas ng flu gaya ng ubo.
Masusi silang binabantayan ng DOH at isinama na sa bilang ng mga itinuturing na patients under investigation (PUIs).