'Electronic-VAWC' bill pasado sa ikalawang pagbasa ng Kamara

"Sa ilalim ng [House Bill] 5869, sasaklawin ang mga porma ng karahasan sa kababaihan... tulad ng stalking, pagha-harass sa text messages at chat, at pagpapakalat ng video para siraan ang asawa o ka-partner," sabi ng Gabriela Women's party-list sa isang pahayag.

MANILA, Philippines — Pasado na sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang panukalang batas na planong magpalawig sa pakahulugan ng karahasan sa mga kababaihan at kanilang mga anak na pinarurusahan ng batas.

Sa ngayon kasi, hindi pa kinikilalang parte ng "Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004" (Republic Act 9262) ang kaharasang ginagamitan ng teknolohiya.

"Sa ilalim ng [House Bill] 5869, sasaklawin ang mga porma ng karahasan sa kababaihan... tulad ng stalking, pagha-harass sa text messages at chat, at pagpapakalat ng video para siraan ang asawa o ka-partner," sabi ng Gabriela Women's party-list sa isang pahayag.

Tatawaging "Defining Electronic Violence Against Women And Their Children, Providing Protective Measures, And Prescribing Penalties For Violations Thereof" ang HB 5869.

Kung maipapasa, papatawan ng mula P300,000 hanggang P500,000 multa ang mga lalabag dito.

Martes nang pormal na isangguni ang panukalang batas sa Committee on Rules at aprubahan sa second reading ng House of Representatives.

Bago maging batas, bubunuin muna ng panukala ang ikatlong pagbasa sa Kamara, Bicameral Conference Committee hanggang sa isumite ito sa Malacañang para malagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Isinasagawa ang "bicam" para pagtagpuin ang pagkakaiba ng bersyon ng Kamara sa bersyon ng kahalintulad na panukala sa Senado.

Kung swak ang bersyon ng Kamara at Senado sa isa't isa, ililimbag ang pinal na bersyon nito at ipapadala sa presidente para sa kanyang pagsang-ayon.

Magiging batas ang HB 5869 oras na pirmahan ito ni Duterte, o maaari niya itong tutulan sa pamamagitan ng pag-veto upang ibalik sa Konggreso.

Kilala si Duterte sa kanyang mga kontrobersyal na pahayag at gawi patungkol sa kababaihan, bagay na matagal nang umaani ng kritisismo mula sa sektor ng kababaihan at mga progresibo.

Ilan sa mga pangunahing may akda ng panukala ay ang Makabayan bloc, Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun, Parañaque Rep. Joy Myra Tambunting, Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, Isabela Rep. Alyssa Sheena Tan, atbp.

Show comments