MANILA, Philippines — Umakyat ang bahagi ng mga pamilyang Pilipino na nagsasabing sila'y mahirap, ayon sa inilabas na 2019 fourth quarter survey ng Social Weather Stations, Huwebes.
"Ito'y 12% mas mataas sa 42% na naitala noong Setyembre 2019," sabi ng SWS sa Inggles.
Ito na ang pinakamataas na self-rated poverty rate mula nang maitala ito sa 55% noong Setyembre 2014.
Sa kabila nito, bumaba ang self-rated poverty rate mula 48% noong 2018 patungong 45% para sa kabuuan ng 2019.
Ang resulta ay nanggaling sa pag-aaral na kanilang ginawa mula ika-13 hanggang ika-16 ng Disyembre noong nakaraang buwan.
Tinatayang nasa 13.1 milyon ang bilang ng mga "self-rated poor families" noong Disyembre, na nagmula sa 10.3 milyon noong Setyembre.
Noong Hunyo, nasa 45% lang ito habang 38% lang ito noong Marso.
Noong Disyembre 2019, sinabi rin ng SWS na nasa P12,000 self-rated poverty threshold (national median SRPT), o ang minimum na buwanang budget na kailangan ng isang pamilya para masabing hindi sila mahirap.
"Ang 12-puntos na pagtaas ng nationwide self-rated poverty sa nasabing kwarto ay dahil sa pagtaas nito sa lahat ng lugar," dagdag pa nila.
Narito ang self-rated poverty sa mga sumusunod na lugar:
- Metro Manila (41%)
- Balance Luzon (47%)
- Visayas (67%)
- Mindanao (64%)
Bagong salta sa kahirapan
Dagdag pa ng survey, sa 54% ng pamilyang nagsasabing mahirap sila, 7% (1.6 milyong pamilya) rito ang ngayon lang naging mahirap (newly poor).
Sinabi ng respondents na hindi nila tinitignan bilang mahirap ang kanilang sarili isa hanggang apat na taon ang nakalilipas.
Nasa 7% (1.8 milyong pamilya) din sa bilang na 'yan ang nagsasabing hindi sila mahirap sa nakaraang limang taon pataas (usually poor).
Nasa 40% (9.7 milyong pamilya) naman ang nagsasabing hindi pa nila naranasang makaangat sa kahirapan (always poor).
Sa December survey, lumalabas din na sa 46% ng self-rated non-poor families, 10% ang dating newly non-poor habang 15% ang dating usually non-poor.
Nasa 21% naman ng pamilya ang hindi kailanman nakatikim ng kahirapan (always non-poor).
'Self-rated food poverty' tumaas din
Samantala, nasa 35% naman ng mga pamilya ang nagsasabing mahirap sila kung pagkain ang pagbabatayan, bagay na tinawag ng SWS bilang "food-poor."
"Ito'y anim na puntos na mas mataas sa 29% noong Setyembre 2019," sabi pa ng SWS.
Merong estimated na 8.6 milyong pamilyang Pilipinong nagsasabing food-poor sila nitong Disyembre, na mas mataas sa 7.1 milyon noong Setyembre.
Para sa kabuuang 2019, sinasabing nasa 31% ang proportion ng food-poor families, kumpara sa 33% noong 2018.
Sinasabi namang nasa P5,000 ang national median self-rated food poverty threshold, o ang minimum na buwanang budget na kailangan ng pamilya para sabihing hindi pang-mahirap ang kanilang pagkain noong Disyembre.