MANILA, Philippines — Ipinagtanggol ng Malacañang ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology mula sa mga batikos ng ilang mambabatas tungkol sa kanilang trabaho kaugnay ng pagsabog ng Bulkang Taal
Pinaiimbestigahan kasi ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga sa Kamara ang Phivolcs dahil sa diumano'y kabiguan nilang magbigay ng babala tungkol sa phreatic eruption na nangyari noong Linggo.
"As if malalaman mo kung kailan puputok ang bulkan," sabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo sa isang press briefing, Huwebes.
"[K]asi 'yung iba nag-cocompare, bakit [daw] 'yung typhoon napre-predict natin. Actually hindi naman natin napre-predict ang typhoon. Nakikita natin, brewing. On the basis of that, nakukuha nila kung saan papunta, gaano kabilis, kalakas. Pero 'yung pagputok at pag-earthquake, hindi mo mapre-predict 'yun."
Kasalukuyang nasa Alert Level 4 ang Bulkang Taal, na siyang nagbuga ng mapaminsalang volcanic ash na umabot hanggang Metro Manila.
Dahil dito, inaasahan ang posibleng "hazardous eruption" sa loob ng ilang araw.
Marso 2019 pa lang nang itaas ng Phivolcs ang Alert Level 1 sa Taal, pero ayon sa House Resolution 643 ni Barzaga, "klaro na may kakulangan sa pagpapalaganap ng impormasyon sa peligro ng volcanic activity sa publiko."
"May imperative din upang malaman ang necessary improvements sa tugon ng iba't ibang ahensya ng gobyerno," sabi pa ng resolusyon sa Inggles.
Nanindigan naman si Phivolcs volcano monitoring and eruption prediction division chief Mariton Bornas na walang delay sa pagbibigay ng impormasyon at banta sa mga residente.
"Bandang 11:00 a.m. (noong Linggo), 'yung mga nasa isla sinasabi na sa amin ang kanilang mga obserbasyon," sabi ni Bornas sa ulat ng ABS-CBN.
"Binigyan na sila ng payo kung kinakailangan nilang lumikas... meron kaming direktang komunikasyon sa kanila sa grasroots level."
Sabi pa ni Phivolcs director Renato Solidum, sa 6,000 na tao sa isla ay wala ni isang sugatan at namatay: "Nakaka-amaze. Salamat sa Diyos walang nangyari."
Inilinaw naman ng Palasyo na malaya naman ang Kamara na magsagawa ng imbestigasyon "in aid of legislation" at hindi sila pipigilin ng ehekutibo.
Sa kabila nito, naninindigan sina Panelo na mahusay na natugunan ng Phivolcs ang kanilang tungkulin.
Bukas naman din daw ang pamahalaan na bigyan ng mas malaking pondo ang ahensya para mapahusay ang kanilang monitoring.
Taal bilang 'No man's land'
Inudyok naman ng Palasyo ang publiko, maging ang mga turista, na sumunod na sa utos na lumikas mula sa bisinidad ng Taal.
"You know, ever since naman that's supposed to be a No Man's Land. There's a 2-kilometer radius [danger zone], as explained to me as Phivolcs. Talagang ever since, danger zone 'yon. Talagang hindi dapat tumitira doon," wika ng tagapagsalita ng presidente.
"To me, ang kailangan mo doon talagang education sa mga tao to make them realize it's really dangerous for them."
Aniya, sadyang lumagi na lang daw talaga ang mga residente roon dahil sa kanilang pagiging "malikhain" sa hangad na kumita.
Sa kanilang bulletin kaninang umaga, sinabi ng mga state volcanologists na 103 volcanic earthquakes ang naitala mula alas-singko ng umaga kahapon hanggang alas-singko ng umaga kanina.
Patuloy naman na ipinaaalala ng Phivolcs ang total evacuation ng Taal Volcano Island at highrisk areas na pinangalanan sa hazard maps na saklaw ng 14-kilometrong radius mula Taal Main Crater at sa kahaabaan ng Pansipit River Valley, kung saan naobserbahan ang mga fissuring.
Pinag-iingat pa rin ang mga residente sa paligid ng bulkan na mag-ingat mula sa tuloy-tuloy at malakas na ashfall.