MANILA, Philippines — Ipinag-utos na ni Health Secretary Francisco Duque III sa mga tauhan ng Bureau of Quarantine (BOQ) na masusing imonitor at bantayan ang lahat ng biyaherong pumapasok sa mga pantalan at paliparan kasunod ng ulat ng outbreak ng isang “misteryosong sakit” mula China.
Batay sa ulat, ang naturang karamdaman ay kahalintulad ng isang viral pneumonia na may ‘di batid na pinagmulan at nakaapekto na sa may 44 indibidwal.
Kaugnay nito, tiniyak din ni Duque sa publiko na wala silang dapat na ipangamba dahil magiging maagap ang pamahalaan upang matiyak na walang biyaherong may taglay ng naturang karamdaman ang makakapasok sa bansa.
Partikular na inatasan ni Duque ang BOQ na bantayan ang mga pasaherong makikitaan ng lagnat at mga sintomas ng respiratory infection.
Hinikayat din ng kalihim ang publiko, partikular na ang mga bumiyahe sa China, na kaagad na kumonsulta sa doktor sakaling magkaroon sila ng mga flu-like symptoms.
“I urge the public, especially those with history of travel from China, to seek immediate medical consult if experiencing any flu-like symptoms,” ani Duque.
Iniimbestigahan na rin ng mga awtoridad sa China ang pagkalat ng sakit kasunod ng mga haka-hakang may kinalaman ito sa severe acute respiratory syndrome (SARS), isang virus na pumatay sa daan-daang tao noong 2002-2003.