Kahit inalis na ang martial law
MANILA, Philippines — Wala nang batas military sa Mindanao sa pagsisimula ng taong 2020 pero nananatili ito sa state of emergency, ayon sa Armed Forces of the Philippines.
Sinabi ni AFP Spokesman Brig. Gen. Edgard Arevalo sa isang panayam sa radio kahapon na nananatili pa ring may bisa ang Proclamation No. 55 ni Pangulong Rodrigo Duterte na isinasailalim ang buong Mindanao sa state of emergency.
“Patuloy pa rin po ang ating gagawing operasyon subalit ang makikita po natin na marahil ay kabawasan sa mga lugar na nag-improve na po ang security situation,” paliwanag ni Arevalo.
Isinailalim ni Duterte ang buong Mindanao noong Setyembre 2016 ilang araw makaraang bombahin ang isang night market sa Davao City na ikinamatay ng 14 na tao.
Sinabi ni Arevalo na mababawasan lang ang mga checkpoint at nagpapatrulyang mga sundalo pero idiniin niya na hindi pa rin magluluwag ang mga security procedures.