MANILA, Philippines — Isa pang US lawmaker na si Sen. Edward Markey ng Massachusetts ang pinagbawalan ni Pangulong Duterte na makapasok sa Pilipinas dahil sa panawagan nitong pakawalan si detained Sen. Leila de Lima.
Kinumpirma ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na kasama si Markey sa pinagbawalang makapasok ng bansa ng Pangulo.
Nauna rito sina US Senators Richard Durbin at Patrick Leahy na pinagbawalang makapasok ng Pilipinas.
Sina Markey, Durbin at Leahy ang 3 mula sa 11 sponsors ng Senate Resolution 142 na ipinasa ng US Senate Foreign Relations committee.
Wala namang paliwanag si Panelo hinggil sa 8 pang sponsor ng resolusyon.
Nakapaloob ito sa nilagdaang 2020 national budget ni US President Donald Trump.
Nanawagan din ang nasabing mga US lawmakers na bigyan ng fair public trial si De Lima kung hindi agad ito mapapalaya ng gobyernong Duterte.