MANILA, Philippines — Inatasan ni His Majesty King Hamad bin Isa Al Khalifa ang mga awtoridad ng Bahrain na bilisan ang proseso ng mga undocumented na batang Pilipino na naghihintay na mapauwi sa Pilipinas na dahilan para tuluyang makarating sa Maynila ang dalawa sa mga batang ito bago mag-bagong taon.
Ito ang nabatid sa Malakanyang na nagsabing isang apat-na-taong gulang na batang babae at isang isa-at-kalahating taong gulang na batang lalaki ang kabilang sa unang batch na nakabalik sa Pilipinas mula sa Bahrain lulan ng isang commercial flight. Sinamahan sila ng mga opisyal ng Office of the President at ng Department of Foreign Affairs.
Sinabi ni Chief of Presidential Protocol at Presidential Assistant on Foreign Affairs Robert Borje na ang hakbang ay bahagi ng inisyatiba ng administrasyon kasunod ng courtesy call kay His Majesty King Hamad Bin Isa Al Khalifa ng Bahrain na nagbigay ng kautusan sa kinauukulang mga awtoridad ng naturang bansa noong nakaraang araw ng Pasko.
Bukod sa tulong na mapabilis ang repatriation ng undocumented na mga batang Pilipino, nangako rin si His Majesty King Hamad bin Isa Al Khalifa na haharapin ang isyu ng pagpoproseso ng mga aplikasyon sa flexi-visa na magre-regularize sa pananatili ng may 1,000 manggagawang Pilipino sa Bahrain.
Ang dalawang menor de edad ay kasama sa 50 undocumented na batang Pilipino na ipinanganak sa Bahrain na tinukoy ng embahada ng Pilipinas sa Bahrain sa ilalim ng Oplan Kabataan program nito para sa repatriation.