Sagot sa US ban
MANILA, Philippines — Inimbitahan ni Sen. Bong Go ang mga opisyal ng gobyerno ng Amerika na magtungo sa Pilipinas upang mas maintindihan ang kampanya ng gobyerno laban sa ilegal na droga.
Ito’y matapos na lagdaan ni Pres. Donald Trump ang 2020 budget ng US na naglalaman ng probisyong nagbibigay ng kapangyarihan sa Secretary of State na ipagbawal ang pagpasok sa kanilang bansa ng mga taong nagpakulong kay Sen. Leila de Lima.
Sinabi ni Go na mas maiintindihan ng mga US officials ang nangyayari sa Pilipinas kung magtutungo sila rito.
Posible aniyang mali ang mga impormasyong nakakarating sa Amerika lalo pa’t wala naman aniyang “wrongful imprisonment” kay de Lima na nahaharap sa mga kasong may kinalaman sa ilegal na droga.
Dumaan aniya sa proseso ng korte ang pagkakabilanggo kay de Lima at binigyan pa ito ng pagkakataon na maipagtanggol ang kanyang sarili.
Pero muling binanggit ni Go na inirerespeto niya ang pagpapatupad ng visa ban ng Amerika sa ilang opisyal ng gobyerno ng Pilipinas dahil karapatan nila ito pero dapat maintindihan umano ng mga ito ang nangyayari sa bansa.
Iginiit naman ni House Speaker Alan Peter Cayetano na “parang hindi well-thought of” ang batas na ito dahil panghihimasok ito sa judicial system ng Pilipinas.
Ayon sa leader ng Kamara, “weaponizing the human rights” ang ginagawa sa ngayon ng mga mambabatas.
Kaya mas mabuti umano na magtungo sa Pilipinas ang mga US solons para personal na makita ang sitwasyon sa bansa na nanatili namang malaya at buhay ang demokrasya.
Mas kakaunti umano ang impormasyon na nakukuha ng mga mambabatas sa Estados Unidos kaya inaakala umano nila na hindi patas ang judicial system dito.
Kaya mas mabuti umanong gawin ngayon ng Pilipinas ay imbitahan pa ang US congressmen at senators na bumisita rito sa halip na gumanti at magsabi na hindi rin tayo magbibigay ng visa sa kanila.