Cotabato binulabog ng mga pagsabog: 24 sugatan

Naitala ang unang pagsabog sa Cotabato City bandang alas-6:00 Linggo ng hapon sa Sinsuat Ave., corner Quezon Ave., isang araw bago ang nakatakdang pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lugar para mamahagi ng land titles sa mga benepisyaryo ng Department of Agrarian Reform (DAR).
File

MANILA, Philippines — Umakyat na sa 24 katao ang bilang ng nasugatan kabilang ang walong sundalo sa serye ng mga pagsabog sa Cotabato City at dalawang bayan sa Mindanao.

Naitala ang unang pagsabog sa Cotabato City bandang alas-6:00 Linggo ng hapon sa Sinsuat Ave., corner Quezon Ave., isang araw bago ang nakatakdang pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lugar para mamahagi ng land titles sa mga benepisyaryo ng Department of Agrarian Reform (DAR).

Sinasabing isang 15-anyos na binatilyo ang nagtapon ng isang Improvised Explosive Device (IED) sa dumaang Army truck na ikinasugat ng walong sundalo. Dalawang sibilyan din ang sugatan.

Isa ring IED ang pinasabog sa hindi kalayuan sa lugar na nakasugat ng nasa pitong sibilyan.

Samantala, sa katabing bayan na Libungan, limang sibilyan ang nasugatan sa pagpapasabog ng homemade bomb alas-6:12 ng gabi.

Sa Upi, Maguindanao, dalawang sibilyan din ang nasugatan matapos ang isa pang pagsabog.

Ayon sa Upi Police, sinubukan pang hagisan ng isang bomba ang istasyon ng pulis ngunit hindi sumabog.

Sa ngayon ay patuloy ang isinasagawang im­bestigasyon ng PNP at base sa inisyal na report ay may sangkap ng bala ng 60mm mortar ang mga pampasabog.

Ipinag-utos na rin kahapon ni PNP Officer-in-Charge PLt. Gen. Archie Gamboa ang pagpapaigting pa ng seguridad sa Cotabato at Maguindanao.

Inihayag din ni Gamboa na hindi nagbabago ang kanilang rekomendasyon kay Pangulong Duterte na huwag ng palawigin pa ang martial law sa Mindanao  na nakatakda nang magtapos sa Disyembre 31 ng taong ito.

Ayon kay Gamboa, ang Mindanao ay nasa ilalim pa rin ng martial law at nakaalerto ang anim na Mindanao-based PNP units bilang suporta sa AFP.

Show comments