MANILA, Philippines — Umaabot na sa mahigit P89 milyon ang calamity assistance na naipagkaloob ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa mga mamamayang nabiktima ng iba’t ibang uri ng kalamidad na tumama sa bansa, nitong huling quarter ng taon.
Ayon kay PCSO General Manager Royina Marzan-Garma, ang naturang halaga ay inilabas nila mula Oktubre hanggang Disyembre lamang ng taong ito, kung kailan niyanig ng sunud-sunod na lindol at mga bagyo ang ilang bahagi ng bansa.
Nabatid na sa Mindanao ay P3.1 milyon ang naiabot nila kamakailan lamang sa gobernador ng North Cotabato at Davao del Sur, na napinsala ng malalakas na lindol.
Sinabi pa ni Garma na magkakaloob pa sila ng tig-P5 milyon para sa mga bayan ng Hagonoy, Matano at Padada, na ilan sa mga lugar na siyang pinaka nasalanta ng lindol.
Inaasahan naman ni Garma na mailalabas ang naturang pondo bago sumapit ang araw ng Pasko.
Kaugnay nito, patuloy namang nananawagan ang PCSO chief sa publiko na patuloy na tangkilikin ang kanilang mga palaro dahil wala aniyang talo rito.
Paniniyak pa niya, lahat ng perang kanilang kinikita ay napupunta sa kawanggawa at nakatutulong sa mga taong nangangailangan.