MANILA, Philippines — Pormal nang ibinaliktad ang naunang desisyon ng anti-graft court na balewalain ang kasong graft ni Sen. Lito Lapid ilang taon na ang nakalilipas, alinsunod sa desisyon ng Supreme Court Second Division, Huwebes.
Ang reklamo ay umusbong mula sa P728-milyong "fertilizer scam" na ipinupukol sa noo'y gobernador ng Pampanga at tatlong iba pa.
Taong 2015 nang kasuhan ng graft si Lapid dahil sa isyu noong 2004, ngunit ibinasura rin ito ng Sandiganbayan dahil sa "sobra-sobrang pagkakaantala" sa imbestigasyon.
Pero giit ng Kataas-taasang Hukuman, hindi nangyari ang nabanggit:
"In sum, delay becomes inordinate only in the presence of arbitrary, vexatious and oppressive actions or inactions that are discernible from the proceedings."
Dagdag pa ng korte, wala namang delay na nangyari sa proceedings ng Ombudsman na dahilan para i-dismiss ang kasong kriminal.
"The Resolutions dated September 30, 2016, and December 13, 2016, insofar as it dismissed the criminal case docketed as SB-15-CRM-0286 against respondents Manuel M. Lapid, Ma. Victoria M. Aquino-Abubakar, Leolita M. Aquino and Dexter Alexander S>S. Vasquez are REVERSED and SET ASIDE."
Inuutusan din ng Korte Suprema ang Sandiganbayan na agad resolbahin ang criminal case.
Pebrero 2016 nang manindigan si Lapid, na isang action star din, na siya'y inosente mula sa mga paratang.
"Gusto ko rin na umusad ang kaso at tiwala naman tayo na mahina ang ebidensya laban sa atin," sabi niya tatlong taon na ang nakalilipas.
"Naniniwala tayo na madi-dismiss ang kasong ito.
Matapos ang kinasangkutang kontrobersiya, nakapanumbalik pa sa showbiz si Lapid nang gumanap bilang "Romulo" sa Kapamilya serye na "Ang Probinsyano."
Muling nanalo si Lito sa nakaraang 2019 midterm elections, dahilan upang maluklok siya bilang senador sa 18th Congress.