MANILA, Philippines — Isinumbong ng grupo ng mga construction firm kay Pangulong Duterte ang ilang opisyal ng Department of Budget and Management (DBM) dahil sa umano’y paghingi ng 15 percent “kickback” sa bawat proyekto na may Special Allotment Release Order (SARO).
Sa isang pahinang letter of complaint sa Pangulo ni Mrs. Veronica Bautista ng VNB Construction, tinukoy nito ang dalawang lady officials sa initial na Ms. J at Ms. C ng DBM na umano’y tumatawag sa mga Alkalde sa mga probinsiya at humihingi ng 15-percent commission sa bawat project na may SARO.
Kapag hindi umano ibinigay ang hinihingi na 15% commission ay hindi ire-release ang pondo ng isang municipality.
“Our dear President corruption is happening and we small time contractor are affected, our bids are being struck down because of the percentage that they are requesting. We pay our taxes fair and yet they take a huge percentage on each project without effort,” sabi sa sulat sa Presidente.
Umaasa si Bautista na gagawa ng aksiyon si Pangulong Duterte at paiimbestigahan ang mga opisyal ng BDM dahil kilalang galit ang Chief Executive sa anumang uri ng corruption sa gobyerno.