MANILA, Philippines — Maaaaring mapataas ng mainit na klima ang tiyansa ng maagang paglabas ng mga sanggol sa ina, bagay na maaaaring makasama sa kalusugan ng bata kasabay ng paglala ng climate change, sabi ng ilang siyentista nitong Lunes.
Ayon sa mga mananaliksik sa California, mas maaga nang hanggang dalawang linggo ang paglabas ng 25,000 bata sa Estados Unidos taun-taon tuwing mas mataas sa karaniwan ang temperatura sa pagitan ng 1969 hanggang 1988.
Dahil diyan, aabot sa 150,000 gestational days (araw ng pagbubuntis) ang nagkukulang taun-taon.
Ang Pilipinas, na isang tropikal na bansa, ay malapit sa equator at nakararanas nang matataas na temperature tuwing tag-init.
Nitong ika-8 ng Abril, umabot sa 40.4°C ang heat index, o init na nararamdaman ng katawan ng tao, sa Kamaynilaan.
Bagama't hindi pa klaro kung bakit mas maagang umiiri ang mga ina habang umiinit ang panahon, sinabi ng mga may akda ng pag-aaaral na inilabas sa Nature Research Journals na dapat seryosohin ang premature na panganganak.
"Malaki ang posibilidad na makaaapekto sa pag-unlad ng bata hanggang tumanda ang pagkakaluwal nang mas maaga kaysa dapat, ngunit mangangailangan pa ito ng karagdagang pag-aaral para makumpirma," sabi ni Alan Barreca ng Institute of the Environment and Sustainability, University of California-Los Angeles sa Inggles.
"Napatataas ng mainit na panahon ang maternal levels ng oxytoxin, na isang hormone na nagreregula ng panganganak. Ngunit maaaring maiuugnay ito sa pagtaas ng cardiovascular stress tuwing maiinit, dahilan para mapaaga ang mga delivery," sabi niya sa AFP.
Gumamit sina Barreca at kanyang kasama ng "estimate shifts" pagdating sa daily birth rates mula sa US counties sa loob ng 20 taon, isang sample na sumasaklaw sa 56 panganganak.
'Nakakabahala'
Dagdag pa ng mga mananaliksik, nakita nilang tumaas ng 5% ang pagkaaga ng panganganak oras na lumampas na sa 32.2°C ang temparatura, bagay na aabot sa 200 panganganak.
Dahil sa mas mainit na nang 1°C kaysa sa pre-industrial averages ang kasalukuyang init (at nakikitang iinit pa sa hinaharap), sinabi ni Barreca na lubha silang nababahala sa posibleng lalong pag-aga ng panganganak sa hinaharap.
"Tinataya namin na 1 sa 100 panganganak sa Estados Unidos ang magiging mas maaga bago matapos ang siglo," sabi niya.
"Siguro mukhang maliit ang numerong 'yan, pero mas mataas ang tyansa na 'yan kaysa mabundol ng kotse."
Bagama't maproprotektahan naman daw ng air conditioning ang mga ina tuwing tag-init, sinasabing energy-heavy, mahal at hindi ito matatagpuan sa mga bansang mahihirap.
"Makararanas ng kahirapan sa pera ang ilang pamilya kahit na makagamit pa sila ng air conditioning habang nanganganak, at nakasasama rin sa bata ang financial stress," wika pa niya.
Sabi naman ni Andrew Shennan, propesor ng Obstetrics sa King's College London, hindi pa rin klaro ang kaugnayang ito kahit na matagal nang ikinakabit ang premature delivery sa mainit na panahon.
"Kung titignan natin ang malayong agwat ng temperatura sa iba't ibang panig ng mundo, pati na ang normal na panganganak ng maraming kababaihan, mababa ang tiyansa na magiging importanteng risk factor ito para sa kahit na sinong indibidwal," ani Shennan, na walang kinalaman sa pag-aaral. — James Relativo at may mga ulat mula sa AFP