Kahit masaya sa opening
MANILA, Philippines — Tuloy pa rin ang imbestigasyon ng Malacañang sa pondo at kapalpakan ng organizers ng 30th Southeast Asian (SEA) Games kahit pa sobrang saya ni Pangulong Duterte sa opening.
“Nabanggit ng ating pangulo na bagamat maganda ang opening hindi ibig sabihin na wala tayong gagawing investigation kung saka-sakali, sa preparasyon he was satisfied pero… nabanggit ng pangulo kung kailangan i-audit, there will be an audit,” wika ni Sen. Bong Go.
Ayon kay Go, na chairman ng Senate committee on sports at member ng blue ribbon, aalamin ng komite kung nagamit ng tama ang pondo na ibinigay sa SEA Games.
“Pera po ng Filipino yan, kaya dapat walang masayang, dyan po concern ang pangulo, tapos na ang opening nakaraos tayo sa krisis na dinanas nung mga nakaraang araw,” giit pa ni Sen. Go.
Aniya, binabati niya ang organizing committee sa pamununo ni Speaker Alan Peter Cayetano sa matagumpay at magarbong opening ng SEAG.
“Ngayon focus muna tayo sa laro dapat maging top three tayo ipakita natin sa taumbayan, nothing less than 3rd place ang makuha natin, 6th tayo nung nakaraan dapat po top 3 tayo ngayon para makita naman po ng Filipino at boost the morale po,” giit pa ni Go.
Magbibigay si Pangulong Duterte ng hiwalay na cash incentive bukod sa igagawad na Order of Lapu-Lapu sa Filipino athletes na magwawagi ng medalya sa SEA Games.
“Nag-suggest tayo kay Pangulo na magbigay siya ng separate cash incentives sa mga makakakuha ng bronze, silver at gold medals ngayong Southeast Asian Games on top of what is mandated by law,” aniya.